Search
  • BULGAR

KAPIT-TUKO SA TOP 4 ANG TANGKA NG GREEN ARCHERS AT GROWLING TIGERS


PAGTIBAYIN ang kapit sa kani-kanilang puwesto sa top 4 upang palakasin ang tsansang umusad ng Final Four round ang parehas na tatangkain ng De La Salle University at University of Santo Tomas sa unang laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament.

Gaganapin ngayong weekend ang UAAP sa unang pagkakataon sa Ynares Sports Center sa Antipolo City. Magsasagupa ang Green Archers at ang Tigers ganap na alas-2:00 ngayong hapon bago ang muling salpukan ng season host National University at University of the Philippines ng ika-4:00 ng hapon.

Nagtatangka ang Green Archers na duplikahin ang naitalang 99-72 panalo nila sa Tigers noong Oktubre 3 at masundan ang nakaraang 66-57 na panalo nila kontra Far Eastern University noong Oktubre 27 sa Big Dome.

Sa kabilang dako, magkukumahog namang bumawi ang Tigers upang pumatas sa Green Archers sa ikatlong posisyon. Kaparis ng Archers, tatangkain din nilang dugtungan ang naitalang huling panalo kontra UE Red Warriors (79-68) noong Oktubre 28 sa Filoil Flying V Center sa San Juan.

Samantala sa tampok na laro, pagsisikapang palakasin ang tsansa nilang makahabol sa Final 4 round ng magkatunggaling Bulldogs at Fighting Maroons.

Tatangkain ng UP na umangat at makakalas mula sa pagkakatabla nila ng Far Eastern University sa ikalimang puwesto taglay ang barahang 5-6, panalo-talo.

Sa kampo naman ng Bulldogs, magsisikap itong umangat sa kinalalagyang ika-6 na puwesto sa pamamagitan ng pagbawi sa 88-89 na kabiguang nalasap nila noong first round sa kamay ng UP. (VA)

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.