Todo-yabang sa ‘tuwid na daan’, astang malinis | ‘Noynoy’, nalusutan na ng P4 trillion smuggled prod

NAGKAMALING sumawsaw sa isyu ng pag-takeover ng militar sa Bureau of Customs itong si dating Pangulo Benigno ‘Noynoy’ Aquino. Naalala tuloy ng taumbayan ang garapal na smuggling noong termino niya.
Tutol si ex-P-Noy sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasok ang militar sa BOC dahil bawal daw ito. Ang yabang magsalita ng mokong na ito, eh, noong administrasyon niya ay mas talamak ang smuggling.
Mula 2010 hanggang 2015, P4 trilyon ang halaga ng smuggled na mga produkto ang nakalusot sa BOC sa administrasyon ni ex-P-Noy at ang datos na ito ay opisyal at galing sa International Monetary Fund at ang kanilang Direction of Trade Statistics.
Ilang bilyon din ang nawala dahil hindi na napatungan ng excise taxes ang mga produktong petrolyo, luxury goods, alak, sigarilyo at iba pang iniaangkat na produkto.
Marami ang nagtataka noon kung bakit si Angelito Alvarez ang pinili niya kahit maraming ibang puwedeng kunin tulad ni Guillermo Parayno na dating hepe ng BOC sa administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Pero tingnan ninyo ang koneksiyon, malapit daw si Alvarez sa Finance secretary noon na si Cesar Purisima at ito ay malakas kay ex-P-Noy dahil milyones daw ang donasyong ibinigay nito para sa kampanya niya.
Matagal na nagtrabaho si Alvarez para sa Lina Group of Companies (LGC) na pag-aari ng kontrobersiyal na negosyante na si Bert Lina.
Sa ilalim ng pamumuno ni Alvarez ng BOC naganap ang misteryosong pagkawala ng 2,000 container vans na puno na imported na mga produkto.
Mula Enero hanggang Mayo 2011, lumabas ng Port of Manila ang container vans na papuntang Port of Batangas. Pero, 309 vans na lang ang umabot sa Batangas.
Saan napunta ang iba? Siyempre, itinakas na ito, gayunman, walang kinasuhang sinuman si ex-P-Noy sa krimen at hindi rin kumilos ang Ombudsman noon, ang idol ng mga dilawan na si Conchita Carpio-Morales.
Nawalan tuloy ang gobyerno ng P240 milyon na taxes at duties na dapat sana ay nasingil sa mga nawawalang shipment.
Pero hindi lang ‘yun, hindi na-inspect ang 2,000 container vans at baka ang laman nito ay mga iligal na droga tulad ng shabu o kaya ay mga high-powered na baril. Kanino kaya napunta ang shipment?
Walang ginawa si ex-P-Noy kahit mayabang siyang nagsasalita tungkol sa “tuwid na daan” at kahit ang Kongreso noon ay nag-imbestiga pero, walang nangyari.
Kalaunan, pinalitan ni Ruffy Biazon si Angelito Alvarez at hindi rin nakontrol ang smuggling at noong 2015, ang itinalaga ni ex-P-Noy na hepe ay walang iba kundi ang dating boss ni Alvarez na si Bert Lina.
Maraming umangal sa pagkatalaga kay Bert Lina sa Bureau of Customs dahil marami siyang kumpanya na pag-aari at marami raw sa mga ito ay may transaksiyon na ginagawa sa BOC, nasaan na ang delicadeza at conflict of interest?
Ang huli nating nabalitaan tungkol kay Bert Lina ay mayroon itong kasong plunder at graft at ang abogado na nagsampa ng kaso laban sa kanya ay walang iba kundi si Atty. Harry Roque, Jr. bago ito sumama sa gobyerno ni P-Duterte.
Gayundin, ipokrito ang mga kaalyado niya na sina Senador Kiko Pangilinan, Leila de Lima at Risa Hontiveros sa pagtutol nila sa desisyon ni P-Duterte.
Tanong lang, noong talamak ang korupsiyon at smuggling sa BOC ni ex-P-Noy, nag-ingay ba sila? Hindi, sapagkat ang mga dilawan ay pinagtatakpan ang kapwa dilawan.
Napuno na si P-Duterte sa kalokohang nangyayari sa ahensiya kaya nagdesisyon na siyang ipapasok ang militar sa loob ng BOC, gayunman, pansamantala lang ito habang nililinis ang ahensiya at naka-”floating” status daw ang ibang empleyado ng BOC.
Pero, sibilyan ang hepe ng Customs na si Rey Leonardo “Jagger” Guerrero na dating hepe ng Marina at naging AFP chief of staff din siya.
Sana, malinis ni Guerrero at mga kasamang militar ang Bureau of Customs tulad ng nagawa ni P-Duterte sa Boracay Island, kailangang maging istrikto na sa ahensiya, dapat wala nang makalulusot, palakasan o anumang korupsiyon, tapusin na ang smuggling at kasuhan na ang lahat ng dapat kasuhan.





Comments