Search
  • BULGAR

Gustong kasuhan ang hukom na nagpatalo sa kanyang isinampang kaso

DR. PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA / MAGTANONG KAY ATTORNEY

Dear Chief Acosta,

Nagagalit ako sa judge na nagpatalo ng aking kaso kaya sinampahan ko siya ng kasong administratibo sa pagiging hindi patas. Alam niyang ako ang nawalan sa sitwasyong aking idinulog subalit, hindi pa rin niya ako pinagbigyan. Nais kong malaman kung kakatigan kaya ako ng Korte Suprema hinggil dito? — Zelmie

Dear Zelmie,

Para sa inyong kaalaman, marami ang nag-iisip na magsampa ng kaso laban sa hukom na nagdesisyon ng hindi pabor sa kanilang kaso. Subalit, dapat maisaalang-alang na kung walang legal na basehan ang mga kasong ito, kadalasan ay ibinabasura ito ng Korte Suprema.

Isang katotohanan na may nananalo at natatalo sa bawat kasong isinasampa. Ang basehan ng bawat desisyon ay ang mga argumento at ebidensiyang ating ipinresenta sa korte. Hindi natin masisisi ang hukom kung siya ay mag­desisyon ng mas pabor sa kalabang partido kung ito ang ipinakikita ng mga iniharap na ebidensiya sa kaso.

Ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong George T. Chua vs. Judge Fortunato L. Madrona (A.M. No. RTJ-14-2394, 1 September 2014, Ponente: Honorable Associate Justice Lucas P. Bersamin), ang ganitong kaisipan at dito sinabi na:

“A trial judge is not accountable for performing his judicial functions and office because such performance is a matter of public duty and responsibility. Indeed, the judge’s office and duty to render and administer justice, being functions of sovereignty, should not be simply taken for granted. No administrative charge for manifest partiality, gross misconduct and gross ignorance of the law should be brought against him for the orders issued in the due course of judicial proceedings.” (Binigyang-diin.)

Samakatwid, kung walang pagba­ba­­sehan ang reklamong nagkaroon ng pandaraya sa kaso at mali o taliwas sa batas na pagtitimbang ng hukom sa mga ebidensiyang ipinresenta o kaya ay siya ay nagmalabis sa kanyang kapangyarihang manghusga, hindi siya maaaring pasakitan at parusahan dahil lamang sa kanyang pagkatig sa isang partido sa kaso na siyang iniatang sa kanya ng batas.

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.