Comelec sa publiko: ‘EPALITIKO’ SA SEMENTERYO, IBULGAR!

HINIKAYAT ng Commission on Elections (Comelec) ang mga magtutungo sa sementeryo na kunan ng larawan at ipaskil sa kanilang social media accounts ang mga poster ng mga tinaguriang ‘epalitiko’.
Ang tinutukoy ni Comelec Spokesperson James Jimenez ay ang mga pulitikong naghain na ng Certificate of Candidacy (COC) para sa 2019 Midterm Elections na magpapaskil ng kanilang mga poster at larawan sa mga sementeryo.
Mismong si Jimenez naman ang nanguna sa pagpapaskil ng mga poster ng mga ‘epalitiko’ na nakita niya nang mapadaan sa Manila North Cemetery kahapon.
Sa mga larawang ipinaskil ni Jimenez sa kanyang Twitter account, makikita ang mga larawan ng re-electionist na si Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada at ng kanyang ka-tandem na vice-mayoral candidate na si dating Cong. Amado Bagatsing, gayundin ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza, na nakapaskil sa tapat ng mga tindahan ng mga kandila at bulaklak sa naturang pinakamalaking sementeryo sa Asya.
Una nang hinikayat ng Comelec ang mga pulitikong naghain ng kandidatura sa May 13, 2019 Midterm Elections na huwag samantalahin ang Undas sa pamamagitan ng pagpapaskil ng kanilang mga poster at paglalagay ng ‘Happy Undas’ sa mga sementeryo.





Comments