top of page
Pokwang.jpg

LACO AT PATTS, MAGTITIBAGAN PARA SA KORONA NG ISAA SRS.

A. Servinio
Oct 31, 2018
2 min read

MAGHAHARAP sa kampeonato ang La Conso­lacion College-Manila at defending champion PATTS College of Aeronautics ng 10th Inter-Scholastic Athletic Association (ISAA) Seniors Basketball matapos talunin ang hiwalay na kalaro Lunes sa LCCM Gym at parehong walisin ang mga serye sa semifinals.

Ang seryeng best-of-three para sa titulo ay naka­takdang simulan sa Nob. 9 sa parehong lugar.

Muntik nang madis­grasya ang PATTS pero nag­pakita ng tibay ng loob sa huli kontra Trinity Univer­sity of Asia, 62-57. Sa su­munod na laro, pi­natumba ng LCCM ang Philippine Women’s Univer­sity, 49-43.

Iniangat ng beteranong sentro na si Leonard Men­goy ng PATTS ang kanyang laro upang magsabog ng 16 puntos at mahusay na de­pensa. Sumunod ang rookie na si Mark Jayson Morada na may 12 puntos at sina Norman Torreno at Aldrich Lopez na parehong may 10 puntos.

Nagawang lumamang ng hanggang 16 puntos ang Seahorses ng maaga sa 4th quarter, 56-40, pero bumawi ang Stallions at lumapit ng 8 puntos, 50-58.

Kinailangan ang free throw ni Torreno at Morada para masigurado ang tagum­pay at panatilihing buhay ang kanilang inaasam na apat na sunod na korona.

Samantala, nabuo ni Gabriel Latoreno ang three-point play upang ibigay ang kalamangan sa Blue Royals na may 3:55 na nalalabi sa ikatlong quarter, 27-25, at hindi na nila ito binitawan. Pinasok nina TJ Carino at Jessie Bardaje ang mga puntos at kahit bahagyang nanakot ang Patriots, pinuk­sa ito agad ng dalawang free throw ni Thurlough Grealy na may 10 segundo sa orasan.

Parehong namuno sa Blue Royals sina Bardaje at Carino na may 10 puntos bawat isa.

Sumunod si Grealy na may 9 puntos at Latoreno na may 7 puntos. Tinalo ng Blue Royals ang Seahorses, 75-72, sa pagsimula ng tor­neo noong Setyembre 18 sa MOA Arena.

Buhat doon ay hindi na nakalasap ng pagkabigo ang PATTS habang natikman ng LCCM ang nag-iisang talo sa elimination round sa PWU, 54-56, noong Oktubre 16 sa TUA Gym.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page