Dahil sa kapabayaan ng mga turista sa pagkakalat ng basura, rehabilitasyon sa La Union, next?!
- BULGAR

- Oct 31, 2018
- 2 min read
BASURANG nagkalat, ito ang mapapanood sa viral video sa harapan ng beach sa San Juan, La Union kung saan kahit maraming tao ay wala man lang kumilos para linisin ang mga ito.
Kaya iba’t ibang boses ang ibinato ng netizens sa nasabing video, halimbawa sa mga ito ay “walang disiplina!”, “mabuti kinakaya nilang mahiga kahit may basura”, “ano ba ‘yan, nakakahiya ‘yung mga nagkalat diyan”.
Gayunman, nakahihiya naman talaga, hindi ba? Lalo na ngayon nagiging tatak na sa mga Pinoy ang kawalan ng disiplina.
Pero sa totoo lang, hindi na kailangan pang ituro ang tamang pagtatapon ng basura dahil kung may pakialam ka talaga sa bayan at kalikasan, kahit ang maliit na plastic ng kendi ay alam mo kung saan mo dapat ilagay.
Bagama’t, sa reyalidad ay tila hindi pa rin natututo ang ilan nating mga kababayan kahit na marami na tayong mga suliraning pinagdaanan na may kinalaman sa pagtatapon ng basura kung saan-saan.
Hindi ba nila alam kung ano ang magiging epekto nito sa kalikasan, lalo na sa kanilang kalusugan?
Samantala, kung hindi ito pupulutin at lilinisin agad, maaari itong mapunta sa dagat na magreresulta sa pagkamatay ng ilang yamang-dagat, gayundin, malaki ang magiging epekto nito sa mga paparating na kalamidad, lalo na ngayong may bagyo na naman dito sa ating bansa.
Kaya kahit paulit-ulit at nakasasawa ng ipaalala, magkaroon sana tayo ng disiplina nang sa gayun ay wala ng maging problema, gayundin, huwag nating hayaang lahat ng beach sa bansa ay tuluyan ng maipasara dahil sa ating kapabayaan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments