Search
  • BULGAR

Banat sa taas-presyo, wa’ epek | Mga Pinoy, tiwala pa rin kay P-Digong

BOBI TIGLAO / BANAT

KAHIT pa tumaas ang presyo ng mga bili­hin nitong nakaraang buwan ay malakas pa rin ang tiwala at suporta ng mga Pilipino kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Naglahong parang bula ang pangarap ng mga dilawan na matatanggal nila si P-Duterte sa pamamagitan ng pananakot sa taumbayan na hindi na sila makabibili ng murang bigas, karne at gulay. ‘Scare-tactic’ ang ginawa ng mga dilawan pero, wa’ epek ito.

Hindi naging epektibo ang pananakot dahil tuluy-tuloy ang pagtatrabaho ng adminis­trasyon kahit binabanatan sila ng dilawang media.

Pilit pinalalaki ang balita noong isang buwan na mataas na raw masyado ang presyo ng bigas, may shortage at wala na raw mabili.

Siyempre sa pagka-biased nila, hindi nila ipaliliwanag na naapektuhan ang presyo dala ng sunud-sunod na bagyo na nakasira ng mga palayan. Isa na rito ang Bagyong Ompong na humagupit sa Northern Luzon noong Set­yembre at nakasira sa mga pananim na nagka­kahalagang P14 bilyon, gayundin, ang pagsipa ng presyo ng petrolyo sa buong mundo na nagpataas din ng presyo ng mga bilihin. Ito ay isyu na mahirap kontrolin sapagkat mga bansa sa Middle East ang nagdedesisyon sa presyo ng petrolyo.

Sa ibang lugar tulad sa Mindanao, ayaw iulat ng media ang buong istorya na dahil sa paglipol ng gobyerno sa rice smugglers ay nag­kulang ang supply.

Pero, napunuan agad ang supply ng Na­tional Food Authority.

Gayundin, nakikita ng taumbayan sa paglabas nila na walang pila sa bigas at marami pa ring nabibili sa palengke. Nasaan ang short­age na ipinagkakalat nila?

Sa gitna ng pagpalabas nila ng “fake news” ay umasa ang mga dilawan na babagsak ang popularidad ni P-Duterte.

Ang sama ng loob nila nang lumabas ang latest survey ng SWS na sinabing 74 porsi­yento ng mga Pilipino ay may malaking tiwala pa rin kay P-Duterte.

Tumaas pa ang bilang ng mga tagasuporta niya mula sa 70 porsiyento ng mga Pinoy noong Hunyo patungong 74 porsiyento ni­tong Setyembre lamang.

Napakahalaga ng bigas sa buhay ng ma­mamayang Pilipino. Araw-araw ay kumakain tayo ng kanin mula agahan hanggang hapunan kaya inaalagan ng gobyerno ang supply nito.

Sabi nila ay huwag na raw mag-angkat ng bigas para maprotektahan ang mga magsasaka ngunit, hindi pa kaya ng lokal na produksiyon natin na mapunuan ang demand sa bigas.

Masyadong malaki ang populasyon natin at maraming kailangang pakainin kaya kailangan pa rin natin ng imported na bigas.

Gayunman, maraming pinag-aaralang solusyon ang gobyerno tungkol sa isyung ito ng bigas.

Ngayon daw ay puro mamahaling bigas o “fancy” ang iniaangkat ng mga pribadong rice trader. Sobrang gahaman ang ilang negosyante at walang malasakit sa kapwa Pilipino, lalo na sa mahihirap!

Bilang pagsagot dito, ang gobyerno mismo ang bibili ng murang bigas mula sa ibang bansa sa pamamagitan ng diretsong transaksiyon sa mga gobyerno sa Asya.

Ayon sa pangulo, kung kailangan ay “ba­bahain” nila ang merkado ng murang bigas para lahat ay makabili nito ng hindi masakit sa bulsa.

Gayundin, gusto ng Department of Trade and Industry (DTI) na utusan ang mga pri­badong trader na magbenta ng murang bigas pero, ang sabi ni P-Duterte ay hayaan na lang sila.

“Tayo na lang ang mag-import ng mura. Sige, hayaan mo ‘yung imbentaryo ninyo di­yan. Maraming palusot pa, eh. Babahain ko na lang ng murang bigas. Ilan lang naman ang mayayaman dito,” sabi ni P-Duterte sa isang miting kasama ng opisyales ng DA at DTI.

Nauunawaan nang husto ni P-Duterte ang sitwasyon ng mga mahihirap kaya inuuna niya ang mga pangangailangan nila.

Totoo o “genuine” ang kanyang simpatiya sa taumbayan na hindi tulad ng mga dilawang pulitiko na kahit anong sabihin ay peke pa rin ang dating at hindi bagay.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.