- BULGAR
Babala: magnanakaw na nagpapanggap na aplikante, gumagala!
JUN R. GUILLERMO / MODUS OPERANDI PINOY ISTAYL
NAGSAGAWA ng surveillance operation ang kapulisan ng Lungsod ng Quezon dahil sa tatlong demonyong kalalakihan na nag-a-apply kuno ng trabaho sa isang kumpanya kung saan nang makakuha ng pagkakataon ay hinoldap ng mga hinayupak na ito ang mga tunay na aplikante sa loob ng kumpanya.
Dahil sa hirap ng buhay, maraming aplikante ang kumukuha ng mga kinakailangang dokumento para lamang matanggap sa inaaplyang trabaho kaya ang kolum na ito ay pinag-iingat ang mga kumpanyang may job hiring dahil gumagala ang tatlong balasubas na kalalakihan na nagkukunwaring aplikante pero mga holdaper pala.
Sa mga kumpanya o kahit hindi kumpanya na may job hiring, maging alerto kayo at pakiramdaman ang mga nag-a-apply ng trabaho dahil baka masingitan kayo ng tatlong suspek na mga naka-hood ang damit, malilikot ang mga mata at hindi mapakali na bangag sa ipinagbabawal na gamot.
Dahil sa mga reklamong natanggap ng kapulisan, agad silang nag-stakeout para masubaybayan ang tatlong demonyong suspek na nagkukunwaring mga aplikante pero, mga holdaper pala na kumukuha ng mga mahahalagang gamit ng mga biktima tulad ng cellphone, wallet, alahas at pati bags kung saan alam nilang may mga importanteng dokumentong itinatagao ang kaawa-awang biktima.
Sa mga aplikante nating nagpapakahirap sa pag-a-apply sa trabaho matanggap lamang, maging alerto kayo kapag may mga kahina-hinalang mga lalaki, aba, kwidaw na kayo dahil baka sila na ‘yung mga pekeng aplikante pero, mga holdaper pala.
Paalala: Mga suki, ingat kayo sa pagpunta ninyo sa mga sementeryo ngayong Undas para dalawin at ipagdasal ang inyong mga namayapang mga mahal sa buhay. Maraming nagkukunwaring sympathizer sa mga patay pero, mga masasamang elemento na pala ng lipunan!
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!