Search
  • BULGAR

Walang demokrasyang mapapala ‘pag patuloy na matatakot at magiging mahina

FR. ROBERT P. REYES / PATAKBO-TAKBO

MAHIGIT dalawang taon na tayo sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon at napakarami nang nangyari, maganda at pangit; tama at mali; makatarungan at hindi makatarungan at ang pagsang-ayon at pagsalungat sa kalooban ng Diyos. Gayunman, maraming katanungan mula sa pinakakongkreto tungo sa malalim na katotohanan ng buhay.

Una, umunlad ba ang ekonomiya, dumami at naging matatag ba ang mga hanapbuhay, gayundin, gumanda ba ang pamamalakad sa agrikultura?

Pangalawa, gumanda ba ang takbo ng politika, nagkaroon ba tayo ng mga pinunong may integridad at kredibilidad na pangunahan ang taumbayan, gayundin nagkaroon ba ng pagkakaisa at lakas na isulong na protektahan ang kasarinlan?

Pangatlo, naipatupad ba ang magagandang probisyon ng Konstitusyon o Saligang-Batas at naging makatarungan ba ang korte mula sa piskalya hanggang sa Korte Suprema?

Pang-apat, lumawak at lumalim ba ang kapayapaan sa pamamagitan ng makabuluhang resolusyon ng mga hidwaan ng mga naglalabang puwersa tulad ng MILF, MNLF at NPA, gayundin, naranasan na ba ang kultura ng kapayapaan sa lahat ng antas at sangay ng lipunan mula sa pamayanan ng maralitang tagalungsod at panlalawigan, sa hanay ng mga magsasaka at manggagawa?

Panlima, pinahalagahan, iningatan at ipinagtanggol ba ang katotohanan laban sa lahat ng uri ng kasinungalingan tulad ng fake news at propaganda?

At pang-anim, lumalawak at tumalas ba ang pag-iisip at kakayahang sumuri ng mamamayan, lalo na at papalapit na ang eleksiyon sa Mayo 2019?

Sa mga nagdaang linggo, nagsimula at tuluy-tuloy ang pag-uusig at panggigipit kay Senador Antonio Trillanes IV. Nagkaroon ang senador ng ilang tagumpay tulad ng hindi paglabas ng warrant of arrest ng judge laban sa kanya ngunit, alam ng lahat na hindi sila titigil sa pag-usig at panggigipit. Bakit? Dahil hindi rin siya tumitigil sa pagtuligsa sa mga kamalian at tahasang paglabag sa Konstitusyon.

Gayunman, noong ika-28 ng Oktubre 2018, ganap na alas-2 ng hapon, sama-sama tayong nanalangin at nagpasalamat sa banal na misa sa Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman ang lahat na patuloy na naghahanap ng tunay at malalim na pagbabago kung saan ang misa ay para sa buong bansa at sa lahat ng mamamayan na patuloy na nanganganib mawalan ng kalayaan at demokrasya kung tuluyan ng matatakot, manghihina at mananahimik.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.