Search
  • BULGAR

Pagkakaisa para sa layuning maiangat ang kalidad ng edukasyon, aprub!

KUYA WIN GATCHALIAN / WIN TAYONG LAHAT

ISA sa pinakamalaking samahan sa mga pampublikong paaralan ay ang Parent-Teachers Association o PTA kung saan dito nagkikita-kita sina nanay, tatay, lolo, lola, ate at kuya ka­sama ang mga guro bilang mga miyembro nito.

Hinihikayat ng organisasyon ang mabuting relasyon sa pagitan ng paaralan at pamilya ng mga mag-aaral na handang tumulong sa mga inisyatibo ng paaralan tungkol sa seguridad, kaayusan, kalinisan at kalusugan ng mga bata.

Base sa Department of Education (DepEd) Order No. 54, s. 2009 o ang Revised Guidelines Governing PTA at the school level sa pamu­muno ng punong-guro ay dapat bumuo ang bawat elementary at high school ng nasabing organisasyon upang magkaroon ng forum tungkol sa makabuluhang talakayan sa mga plano, suliranin, isyu at solusyon para rito. Sa pamamagitan nito, masisiguro ang pakikiisa ng mga magulang sa mga programang ipinatutu­pad ng paaralan.

Dapat silang maghanda ng mga mekanismo upang masiguradong nagkakaintindihan at areglado ang lahat nang napag-usapan o na­pag­kasunduan kaugnay sa kanilang pag-or­ganisa ng mga proyekto o programa.

Rito rin ay pinagtutuunan ng pansin ng mga magulang ang kanilang maaaring maiambag para maprotektahan ang mga mag-aaral mula sa baha, sunog, lindol at iba pang kalamidad habang nasa loob ng eskuwelahan.

Dahil sa samahang ito, kaagapay sila ng mga guro sa pagkakaloob ng malinaw at mabi­sang pagtuturo.

Sila rin ay nagdo-donate ng mga libro, computer, school supply at iba pang mga gamit sa nangangailangang klase upang makatulong sa mga estudyante.

Narito ang ilang mungkahi ng mga magu­lang na ating nakausap upang mapanatili ang magandang samahan:

  • Maglahad ng Audited Financial Statement sa general assembly ng mga miyembro tuwing katapusan ng Abril.

  • Gumamit ng resibo na kinikilala ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

  • Magkaroon ng nararapat na liquidation of expenses.

Siyempre, may mga pagkakataon din na hindi maiwasang magkaroon ng hindi pagka­kaunawaan tungkol sa iba’t ibang talakayan tulad ng paglikom ng pondo para sa mga pro­yekto.

Ngunit, obligasyon nilang maging respon­sable, ingatan ito at tiyaking walang kahit sinong miyembro o opisyales ang makata­tang­gap ng sahod, honorarium o kahit anong uri ng kom­pen­sasyon.

Tandaan, ayon sa nasabing guidelines, ang may karapatan lamang na mangolekta ng kontribusyon ay ang PTA na pinagkalooban ng Certificate of Recognition ng DepEd.

Anumang koleksiyon ay dapat sang-ayon sa polisiya ng DepEd at napagkasunduan ng lahat ng miyembro nito.

Ilan sa mga kailangang iwasan ng PTA members at officers ay ang mahadlangan ang akademiks at operasyon ng buong paaralan ng kanilang mga itinutulak na adhikain.

Hindi rin pinahihintulutang lumahok sa mga politikal na aktibidad sa loob ng paaralan, mag­benta ng personal na transaksiyon tulad ng life insurance o paninda sa school canteen o school supplies store.

Hinihikayat natin ang marami pang mga magulang at guardian na maging parte, aktibo at bigyan ng importansiya ang ganitong mga asosasyon bilang pagsuporta sa kapakanan at kinabukasan ng mga mag-aaral.

Kung lahat ay magkakaisa tungo sa isang layunin na maiangat ang kalidad ng edukasyon, unti-unti nating mabibigyan ng magandang karanasan at mahusay na pag-aaral ang ating mga kabataan bago sila sumabak sa mundo ng propesyunalismo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.