- Eddie M. Paez, Jr.
LAHAT NAKAABANG SA KAMPANYA NI LIFTER DIAZ SA WORLD C’SHIP

ITATAAS na ang telon sa unang araw ng susunod na buwan ang International Weightlifting Federation (IWF) World Championship sa Olympic Complex ng Ashgabat, Tukmenistan.
Pinakaprominente sa weightlifters ng Pilipinas na nasa talaan ng mga kalahok ay si Olympics silver medalist at Asian Games champion Hidilyn Diaz. Taong 2017 sa Anaheim, California nang makuha rin ng Pinay ang dalawang tansong medalya sa larangan ng 53 kgs (pangatlo sa clean & jerk at pangatlo rin sa kabuuan).
Pero ngayong taong ito ay walang 53 kilograms na pangkat kaya si Diaz ay makikipagtagisan ng lakas sa grupo ng mga may 55 kilograms na bigat sa kompetisyong tatagal ng 10 araw.
Maraming balakid sa malupit na grupong ito. Ang rekord na nakadikit sa Pinay ay 200 kilos lang kaya pang 14 lang siya sa mga paboritong mangibabaw. Ang 2018 Asian Games bridesmaid at tinalo ni Diaz na pambato ng punong-abala na si Kristina Shermetova ay no. 10 sa ranking. Medalist din si Shermetova nung 2017 World Championships sa US.
Paboritong magwagi sa pangkat ay ang Thai weightlifter na si Sukanya Srisurat (225 kgs.) habang nakabuntot sa kanya bilang 2nd seed na si Tunisian entry Nouhana Landoulsi (223 kgs.). Nasa likod nina Srisurat at Landoulsi ang tatlong Intsik na sina Yajun Li, Qiuyun Liao at Wanqiong Zhang (220 kgs.).