- BULGAR
Imbes na mahihirap | Mga partylist, hawak ng mga bilyunaryo at elitista
BOBI TIGLAO / BANAT
TAMA si Davao City Mayor Sara Duterte, hindi dapat iboto ang mga kandidato ng partylist, lalo na ang “front” ng mga komunista. Kalokohan ang sistemang ito.
Ang partylist ay inimbento ni dating Pangulong Corazon ‘Cory’ Aquino noong 1987 para raw mabigyan ng boses ang mga mahihirap at “marginalized sector”.
Pero, alam ba ninyo na higit kalahati ng mga partylist ay puro bilyunaryo o mga multi-milyunaryo ang representanteng kongresista, nasaan ang mahihirap?
Gayundin, alam ba ninyong marami sa mga partylist ay binubuo ng mga pulitiko at elitistang pamilya para palawakin ang kanilang hawak sa kanilang mga teritoryo?
Kung gobernador o kongresista na ang isa sa kanila, kailangang tumakbo sa ilalim ng partylist ang ibang miyembro para dumami ang resbak nila.
Tulad halimbawa ng dilawang pamilya Belmonte, sa pangunguna ng dating Speaker na si Sonny Belmonte, vice-mayor ang anak niya na si Joy, kongresista ang isang pamangkin at ang dalawa pang kaanak ay councilor at pinatakbo ang isa pang pamangkin para maging partylist representative at nanalo ang kanilang SBP party ng isang puwesto.
Marami pang partylist ‘kuno’ na sa totoo lang ay “front” ng mga pulitikong pamilya. Kabilang ang AAMBIS-OWA ng pamilya ni Janette Garin ng Leyte; ang PBA ng pamilya ni dating Speaker Prospero Nograles; ang ALONA ng pamilya ni dating kongresista Danilo Suarez at marami pang iba.
At tulad nang naiulat natin, may mahigit 5 partylists sa Kongreso na ‘front’ o kaalyado ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA).
Ang layunin nito, pabagsakin ang ating demokrasya at gawing komunista lahat ng Pilipino kung saan ipagbabawal daw nila ang Simbahan at relihiyon, ipasasara ang Senado, Kongreso at media at ang tututol ay papatayin, gusto ba ninyo ito?
Marami ng na-brainwashed na media ang mga komunista kaya panay ang paglabas ng mga ito ng magagandang ulat tungkol kay Jose Maria Sison, ang founder ng CPP-NPA na nagpapakasasa sa The Netherlands.
Pinalalabas ng media na ‘savior’ ng bayan si Joma ngunit, ang hindi nila alam na ang unang gagawin ng CPP-NPA ay ipasasara ang media para walang aangal.
Sa darating na eleksiyon sa Mayo 2019, marami pang mga partylist group na lalabas at lahat ng may pera ay gustong pakinabangan ang sistemang ito.
Kunsabagay, mas madaling manalo rito kaysa sa “normal” na pamamaraan na tatakbo ka bilang kongresista.
Sa sistemang partylist, kailangan lamang manalo ng mga 2 porsiyento ng total ng mga boto para magkaroon ng isang upuan sa Kongreso. Mga 240,000 boto lang ito at kung umabot pa ng 6 porsiyento ng boto, hanggang 3 posisyon sa Kongreso ang ibibigay sa iyo ng Commission on Elections.
Ang dali, ‘di ba? Sabi ng ating sources, kahit hindi ka magkampanya basta may P5 milyon ka na pansuhol ay makakukuha ka na raw ng panalo bilang partylist.
Sa eleksiyon noong Mayo 2016, nakakuha ng tigalawang puwesto sa Kongreso ang mga kaalyado ng mga komunista na Gabriela at ACT Teachers.
Ang ACT, ang isa sa matinding kaaway ni Mayor Sara matapos akusahan siya nang walang basehan na hindi raw nagbibigay ng allowance sa mga guro ang Davao.
Sa galit ni Mayor Sara sa kasinungaling ng ACT partylist ay nangampanya ito na huwag iboto ng taumbayan ang nasabing partylist at iba pang communist front tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, Migrante at Alliance of Concerned Teachers.
Gayundin, sinabi ni Mayor Sara na sinusulsulan ng ACT ang kabataan na sumama sa mga rally laban sa gobyerno sa halip na mag-aral.
Binanatan din niya sina ACT Rep. Antonio Tinio at ang kaalyadong Anakpawis Rep. Ariel Casilao at sinabing hindi sila dapat nasa Kongreso.
Gayundin, hinikayat niya ang Ethics Committee ng Kongreso na patalsikin ang mga ito. “Ibagsak ang ACT Partylist dahil ayaw ninyong nasa paaralan lang ang mga bata. Ang gusto ng mga grupong ito na manatiling mahihirap ang mga ito para ma-exploit nila,” dagdag pa ni Mayor Sara.
Gayunman, dapat sa susunod na Charter Change ay tanggalin na ang sistema ng partylist dahil sinisira nito ang ating demokrasya at napakalaking pera ang napupunta sa mga kaaway ng bayan tulad ng mga teroristang komunista.