LAM, NAGKAMPEON SA TARLAC OPEN GOLF

MASAYANG ipagdiriwang ni James Ryan Lam ang darating na Pasko kasama ang pamilya nang magkampeon sa Central Azucarera de Tarlac Open Golf at maibulsa ang $17,500 prize money na nilahukan ng mga manlalaro mula sa 20 mga bansa kasama ang 54 Pinoy golfers.
Tinalo ni Lam ang mga kalaban na sina Jack Sullivan ng Australia at dating national player Jobim Carlos sa putting contest sa final 18 holes at ganap na kinalimutan ang walong taon na tagtuyot sa golf course.
Bago nanalo ng apat na beses na naging runner-up si Lam ay ipinakita ng 30 anyos na golfer na panahon na upang siya naman ang manalo at matagumpay niyang nagawa. ”Masaya ako dahil sa wakas nanalo rin ako at mayroon na akong maipagmamalaki,” masayang sinabi ni Lam. Humataw si Lam sa final round 68 at tumapos na 14-under 274 lamang apat na strokes sa Amerikanong si Joshua Salah na lumikom ng 278 kasama ang huling round 70 at ibinulsa ang second prize na $11,500. Dinomina ni Lam ang final 18 holes at hindi pinaporma ang mga kalaban upang kunin ang unang panalo sa walong taon na paglalaro sa golf.
May 103 golfer galing sa 20 mga bansa ang lumahok sa apat na araw na torneo na may kabuuang $100,000 na inorganisa ng Philippine Golf Tour Asia.





Comments