Search
  • BULGAR

Kung paano makapagko-comply sa ACOP ang biyenang nasa ibang bansa

ATTY. ART AMANSEC / BUTI NA LANG MAY SSS

Dear Atty. Art,

Magandang araw! Ang mother-in-law ko ay SSS pensioner. Noong June, pinetisyon siya ng hipag ko na nasa Canada kaya maninirahan na siya roon. Gayunman, paano siya makapagko-comply sa ACOP? Kinakailangan pa ba niyang umuwi sa Pilipinas tuwing may ACOP? — Dyan Ellaine del Rosario

Sagot

Mabuting balita! Hindi na kailangang umuwi ng inyong mother-in-law sa Pilipinas upang tumugon sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP). Ang ACOP ay programa na nag-aatas sa mga pensiyunado na taunang mag-report sa SSS upang masigurong tuluy-tuloy ang pagbibigay ng kanilang benepisyo.

Dahil sa modernong teknolohiya, posible nang makatugon ang pensiyunado ng SSS kahit saanman sa mundo. Maaaring tumugon sa ACOP ang inyong biyenan sa pamamagitan ng video conference o ang tinatawag na Annual Confirmation of Pensioners through Video Conference (ACOP-VC). Gayundin, maaaring gamitin ang Skype upang tumugon sa ACOP. Ang Skype ay libreng aplikasyon online kung saan maaaring mag-video call ng libre saanman sa mundo.

Para magamit ang ACOP-VC, kinakailangan na may Skype account para maisagawa ang online interview. Dapat magawa ang ACOP-VC interview sa loob ng buwan ng kapanganakan ng retiree o disability pensioner o ng namatay na pensiyunado kapag death pension.

Kailangang mag-set ng appointment sa SSS sa pamamagitan ng pag-send ng email sa ofw.relations@ sss.gov.ph o member_relations@sss.gov.ph at ilagay sa subject line “Skype (ACOP), pangalan ng pensioner at SS number.

Gayundin, kailangang maisama sa email ang mga sumusunod na impormasyon: pangalan ng retiradong pensiyunado o ng namatay na miyembro; SS number; araw ng kapanganakan; pangalan ng tagapag-alaga kung ang benepisaryo ay walang kakayahan; pangalan ng benepisaryo kung mayroon man; contact information tulad ng email address, numero ng mobile phone o landline; kumpletong address (lokal at ibang bansa); pangalang ginagamit sa Skype at iskedyul ng video conference na batay sa oras dito sa Pilipinas. Ito ay mula Lunes hanggang Biyernes, alas-12 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi.

Makatatanggap ng kumpirmasyon tungkol sa iskedyul ng ACOP sa kanyang email at kasama ang reference number. Sa itinakdang petsa at oras, isang representate ng SSS ang tatawag sa kanya gamit ang video call. Ipakikita ng pensiyunado ang reference number at valid IDs. Matapos ang video conference, siya ay makatatanggap ng email na kinukumpirma ang pagtugon niya sa ACOP.

Maaaring iprisenta sa ACOP-VC ang mga sumusunod na dokumento: SSS unified multipurpose identification (UMID) card; pasaporte at dalawang valid IDs na ibinigay ng bansang kinaroroonan niya na nagpapakita ng kanyang larawan at lagda.

Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.