Search
  • BULGAR

Karapatang makapagpiyansa ng akusado para makalaya

DR. PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA / MAGTANONG KAY ATTORNEY

Nakapaloob sa ating Saligang-Batas, partikular ng Article 3, Section 13, Lipon ng mga Karapatan, ang mga sumusunod na probisyon:

"Section 13. Ang lahat ng mga tao, maliban sa mga nahahabla sa mga paglabag na pinarusahan ng reclusion perpetua kapag matibay ang ebidensiya ng pagkakasala, bago mapan ay dapat mapiyansahan ng sapat na piyansa o maaaring palayain sa bisa ng panagot ayon sa maaaring itadhana ng batas. Hindi dapat bawalan ang karapatan sa piyansa kahit na suspendido ang prebilehyo ng writ of habeas corpus. Hindi dapat kailanganin ang malabis na piyansa.”

Batay sa mga nabanggit na probisyon, makikita natin na may karapatan ang bawat akusado o nahahabla na magbayad ng piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan maliban na lang kung ang krimen kung saan siya ay nasasakdal ay mayroong kaparusahan na reclusion perpetua at kapag matibay ang ebidensiya ng pagkakasala.

Sa pagkakataong nais ng akusado na nasasakdal sa salang may kaparusahan na reclusion perpetua na siya ay makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya habang nililitis ang kanyang kaso, siya ay maaaring maghain ng kanyang petisyon sa husgado kung saan nakabimbin ang kanyang kaso upang hingin na siya ay payagan ng husgado na makapag­piyansa. Ang tawag sa hakbanging ito ay “petition for bail”. Ito ay petisyon na naka­sa­la­lay sa diskresyon o pagpapasya ng hukuman.

Sa “petition for bail”, patutunayan ng prosekusyon na malakas at matibay ang ebidensiya ng pagkakasala ng nasasakdal o akusado. Ito ay sang-ayon sa Section 8, Rule 114 ng Rules of Court kung saan nakasaad na:

“Section 8. Burden of proof in bail application. — At the hearing of an application for bail filed by a person who is in custody for the commission of an offense punishable by death, reclusion perpetua, or life imprisonment, the prosecution has the burden of showing that evidence of guilt is strong. xxx”

Anumang ebidensiya na naipresenta na habang dinidinig ang “petition for bail” ay agad na maisasama sa ebidensiya sa mga susunod na pagdinig ng kaso. Subalit, may karapatan ang bawat panig na pabalikin muli sa pagtestigo ang mga saksi na inihain na ng prosekusyon sa pagdinig ng inihaing “petition for bail”.

Ang karapatan ng nasasakdal na magpiyansa o maghain ng kanyang “petition for bail” ay base sa probisyon ng Saligang-Batas na ang lahat ng nasasakdal para sa krimen ay mayroong pagpapalagay na sila ay inosente sa krimen kung saan sila ay nasasakdal.

Mayroong iba’t ibang uri ng piyansa na pinapayagan ng hukuman. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Corporate surety

  2. Property bond

  3. Cash bond

  4. Recognizance

Ang recognizance ay uri ng piyansa kung saan ang nasasakdal ay maaaring hilingin sa husgado na makalaya pansamantala sa kanyang sariling pag-ako ng responsibilidad at tungkulin na dumating sa husgado para sa kanyang paglilitis o sa pangangalaga ng ibang tao na responsable (Section 15, Ibid.).

Sa pagtatakda ng halaga ng piyansa ng hukuman, ang mga sumusunod na gabay ay ang mga magiging batayan ng husgado:

(a) Financial liability of the accused to give bail;

(b) Nature and circumstance of the offense;

(c) Penalty for the offense charged;

(d) Character and reputation of the accused;

(e) Age and health of the accused;

(f) Weight of the evidence against the accused;

(g) Probability of the accused appearing at the trial;

(h) Forfeiture of other bail;

(i) The fact that the accused was a fugitive from justice when arrested and

(j) Pendency of other cases where the accused is on bail.

Ipinagbabawal ng batas ang pagpataw ng masyadong mataas na halaga ng piyansa.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.