Search
  • BULGAR

SILINYADOR NG ROAD WARRIORS, GUMANA SA OT PARA SA 5-5 KARTA


KINALSUHAN ng NLEX Road Warriors ang three-game skid matapos sagasaan ang Alaska Aces, 116-110 sa overtime game ng 2018 Philippine Basketball Association, (PBA) Governors’ Cup sa Ynares Center, Antipolo kagabi.

Nangalabaw si import Aaron Fuller ng 42 points at 22 rebounds upang ilista ang 5-5 karta ng Road Warriors at manatiling malakas ang tsansa na makahirit ng laro sa susunod na phase. Nangapa sa unang canto, tinapakan ng Road Warriors ang gasolina sa second period upang hawakan ang 10-point lead, 53-43 sa halftime.

Subalit pumalag ang Aces sa third period, lumagok ng 34-24 bentahe upang itabla ang iskor sa 77 papasok ng fourth quarter. Nagtala si JR Quiñahan ng 15 puntos at siyam na rebounds para sa NLEX. Samantala, target ng San Miguel Beer na sikwatin ang four-game winning streak pagharap nila sa Rain or Shine ngayong 6:45 p.m. sa Alonte Sports Arena, Biñan, Laguna.

Tangan ang 5-4 karta, malaki ang tsansa ng Beermen na lagukin ang pang-anim na panalo dahil maglalaro na ang kanilang panargong sentro na si 4-time Most Valuable Player, (MVP) JuneMar Fajardo. Kasamang nag-warm-up si Fajardo sa San Miguel noong Miyerkules pero hindi siya naglaro nang talunin nila ang NorthPort, 114-107.

Sisikapin ni Fajardo na matulungan ang kanyang koponan sa huling dalawang laro nila sa elimination round upang makasampa sa quarterfinals. Kailangang maipanalo ng Beermen ang natitirang laro upang magkaroon din sila ng tsansa na maka-upo sa top four.

Para sa Elasto Painters na may 2-7 karta, bawal na silang kumurap sa dalawang natitirang laro. Bukod kay Fajardo, kakapitan din ni SMB coach Leo Austria sina import Kevin Murphy, Arwind Santos, Alex Cabagnot at Christian Standhardinger. Magkakaldagan sa unang laro ang Blackwater Elite at Columbian Dyip sa 4:30 p.m.

Samantala sa ikalawang laro, tinalo ng Magnolia Hotshots ang TNT KaTropa sa iskor na 116-103. Bumida sa laro si Ian Sangalang para sa 28 puntos. (ATD)

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.