Search
  • BULGAR

MAGPAPATIBAY SA SOLO LIDERATO ANG BLUE EAGLES VS. BULLDOGS


PAGTIBAYIN ang kani­lang kapit sa solong pamu­muno ang tatangkain ng reigning titlist Ateneo de Manila sa muli nilang pag­harap sa season host National University sa unang laro ngayong hapon sa pagpapatuloy ng second round ng UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.

Kasalukuyang namumu­no ang Blue Eagles hawak ang kartadang 8-2, panalo-talo, isang panalo ang agwat sa pumapangalawang Adam­son Falcons (7-2). Taglay naman ang markang 3-6, panalo-talo, pipiliting maka­ahon ng NU mula sa kinala­lag­yang solong ika-6 na pu­westo upang mapanatiling buhay ang pag-asang maka­tuntong sa susunod na round.

Tiyak na pagsisikapan ng Bulldogs na makabawi sa nalasap na 46-72 kabiguan sa kamay ng Blue Eagles nang una silang magtapat noong nakaraang Setyembre 22.

Kasalukuyang magkasu­nod sa upper half ng standings, muling magbabanggaan sa tampok na laban para panatilihin ang kanilang pagkakaupo sa top 4 ang De La Salle University at Far Eastern University ngayong 4:00 p.m. pagkatapos ng salpukang Ateneo-NU na magsisimula ng 2 p.m.

Tatangkain ng Tamaraws na duplikahin ang 68-61 na panalo kontra Green Archers noong Set. 9 upang makaka­las sa pagkakatabla nila sa kasalukuyan ng University of the Philippines, ang huling koponang tumalo sa kanila sa nakaraan nilang laban sa patas na barahang 5-5 (panalo-talo).

Inaasahan ng lalaro na at tiyak na magpipilit na maka­ba­wi mula sa kanyang nata­mong dalawang larong sus­pensiyon si Tamaraws forward Arvin Tolentino na tiniyak ni FEU coach Olsen Racela na natuto na ng kan­yang leksiyon. Pinaalalaha­nan ni Racela si Tolentino na hindi lamang UAAP ang nakataya dito kundi maging ang future ng kanyang basketball career kung sakali.

Sa kampo ng Green Archers, tiyak na gigil din silang bumawi sa Tamaraws upang patibayin ang kapit nila sa kinalalagyang solong ikatlong puwesto hawak ang bara­hang 5-4. (VA)

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.