Kay Ramon ang Cavite, kay FPJ ang Tondo at kay Quiboloy ang mundo?!
- BULGAR

- Oct 27, 2018
- 2 min read
KAY FPJ ANG TONDO, KAY RAMON ANG CAVITE AT KAY QUIBOLOY ANG ‘SANLIBUTAN’ — Nag-viral sa social media ang video na sinasabi ni Pastor Apollo Quiboloy na siya raw ang anak ng Diyos at siya raw ang nagmamay-ari ng daigdig.
Aba, kung ganyan, talo pala kay Quiboloy ang hit na pelikula noon nina Da King Fernando Poe, Jr. at Agimat Ramon Revilla, Sr. na may titulong “Iyo ang Tondo (kay FPJ) at akin ang Cavite (kay Ramon)” dahil ang “sanlibutan” ay kay Quiboloy pala, ha-ha-ha!
◘◘◘
LAMANG ANG MGA ANAK NINA FPJ AT RAMON KAYSA SA MGA ‘MANOK’ NI QUIBOLOY —Kung pagbabasehan ang lumabas na survey ng Pulse Asia kahit kay Quiboloy ang “sanlibutan” at siya pa ang anak ng Diyos, tila talo ang aabutin sa eleksiyon ng mga bibitbitin niyang mga taga-Davao na kandidato sa pagka-senador.
Ayon kasi sa survey, ang anak ni FPJ na si Sen. Grace ay sure win na sa pagka-senador dahil number 1 ito sa survey, samantalang, ang anak ni Ramon, Sr. na si ex-Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. na kahit nakakulong sa kasong plunder ay pang-14 siya sa survey na indikasyong malaki ang tsansa niyang pumasok sa Top 12.
Eh, ang mga “manok” ni Quiboloy na sina ret. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, pang-16 at ex-SAP Christopher ‘Bong’ Go, pang-24 na parang napakalabong pumasok sa Top 12, boom!
◘◘◘
IMBES IPAKULONG, PROMOTED PA SINA FAELDON AT LAPEÑA —Noong panahon ni ex-Customs Commissioner Nicanor Faeldon, nakalusot ang P6.4 bilyon shabu at ngayong panahon ni outgoing Customs Commissioner Isidro Lapeña, nakalusot ang P11 bilyon shabu sa Adwana.
At imbes ang dalawang ito ay ipakulong ni P-Duterte dahil malaking kasiraan sila sa “war on drugs” ng gobyerno, aba, ang ginawa ng pangulo, ipinromote pa si Faeldon na ipinuwesto bilang director ng Bureau of Correction (BuCor) at si Lapeña, ipinromote bilang director-general ng TESDA.
Anong sabi ni P-Duterte, “hate” raw niya ang drugs? Pwe!
◘◘◘
SA LAS PIÑAS, KAY ‘RENE’ ANG LOTTENG AT KAY ‘FREDY’ ANG SAKLA — Namamayagpag na raw ang lotteng ni “Rene” at sakla ni “Fredy” sa Las Piñas City.
Parang titulo rin pala sa pelikula ang raket ng mga iligalista sa jurisdiction nina Mayor Mel Aguilar at Chief of Police Sr. Supt. Marion Balonglong kasi kay “Rene” ang lotteng at kay “Fredy” ang sakla, mga buwisit!





Comments