PETALCORIN VS. ALVARADO SA IBF WORLD JR. FLYWEIGHT
- BULGAR

- Oct 26, 2018
- 2 min read

MULA sa heavyweight hanggang sa junior flyweight, isang pares na world-class bout ang pawang mga mahahalagang laban ang babanat ngayong weekend na isasaere ng ESPN.
Tampok sa 12-round heavyweight title elimination bout bukas, Okt. 27 ang bakbakan mula sa Arena Armeed sa Sofia, Bulgaria ang hometown ni Kubrat Pulev (25-1, 13 KOs) na babanat kontra Hughie Fury (21-1, 11 KOs). Patuloy naman ang aksiyon na magmumula sa Midas Hotel and Casino sa Pasay City sa Lunes Okt. 29 kung saan maghaharap sina Felix Alvarado (33-2, 29 KOs) at Randy Petalcorin (29-2-1, 22 KOs) para sa bakanteng IBF junior flyweight world title. Tampok din sa co-feature ang pagdepensa ni Giemel Magramo (21-1, 17 KOs) sa kanyang WBO Oriental flyweight belt sa isang 12-round bout kontra Sebastian Sanchez (11-5, 8 KOs).
Sina Pulev at Fury ay parehong dating world title challengers na pakay ang ikalawang paghaharap sa ibabaw ng ring. Natalo si Fury sa bisa ng majority decision kay Joseph Parker para sa WBO title noong Setyembre ng nakaraang taon. Nakabawi pa siya sa 5th round TKO kontra sa kababayang si Sam Sexton para sa British title.
Matapang at matatag ding hinarap ni Pulev si Wladrimir Klitschko noong 2014 para pag-isahin ang kanyang mga titulo, pero kinapos siya pagsapit ng 5th round at ma-knockout. Nakapagwagi siya ng limang sunod na beses mula nang matalo kay Klitschko kabilang na ang impresibong laban kay Kevin Johnson, Dereck Chisora at dating world champion Samuel Peter.
Si Alvarado, ang two-time world title challenger ay isa sa pinakamalupit na boxer sa lighter weight classes. Hawak niya ang 15-0 na record na may 14 knockouts mula nang matalo sa UD kontra Juan Carlos Reveco sa WBA flyweight title noong Hunyo 6, 2014.
Limang buwan bago ang pagkatalo kay Reveco, talo si Alvarado via UD kay Kazuto Ioka para sa WBA 108-pound title.
Si Petalcorin, na may home advantage ay nakapagwagi ng 6 na sunud-sunod na beses mula sa isang kontrobersiyal na split decision na pagkatalo kay Omari Kimweri. (MC)





Comments