Search
  • BULGAR

Paglilimita ng biyahe papuntang Aklan, kinuwestiyon ng ilang negosyante sa Boracay

RYAN B. SISON / BOSES

ILANG negosyante sa Boracay Island ang umapela matapos ipahayag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo- Puyat na nakipagpulong siya sa airline companies na limitahan ang mga ero­plano na gustong bumiyahe papuntang Aklan lalo na sa paliparan ng Kalibo at Caticlan.

Gayunman, sinabi ng Complaint As­sociation of Boracay (CAB) na titiyakin nilang nasa 100 porsiyento umano ang maibibigay nilang tulong para sa muling pagbubukas ng isla bukas, Biyernes, Oktubre 26.

Ayon kay CAB Vice-President Boyet Sacdalan, nakipag-usap na sila kay Jetty Port Administrator Niven Maquirang at sa iba pang nagrereklamong mga may-ari ng resort at hotel upang maging maayos ang pagsalubong sa mga turista.

Gayundin, gumagawa na sila ng so­lusyon upang mahikayat ang Depart­ment of Tourism (DOT) na huwag limi­tahan ang mga eroplano na bibiyahe pa­puntang Aklan nang sa gayun ay hindi magkaroon ng aberya ang mga pasahero at ang lahat ng nais magbakasyon ay maasikaso.

Anila, maliban sa napakagandang Isla ng Boracay ay marami pa umanong maiaalok na ibang tourist destinations sa lalawigan kung sakaling dumating na ang mga turista.

Subalit, ang buwelta ng DOT, bukod sa iniiwasan nilang tumaas ang presyo ng airline ticket ay may sinusunod silang carrying capacity ng Boracay Island kaya nila ito pinalimitahan.

Samantala, dapat ay mapag-usapan itong mabuti ng bawat panig nang sa gayun ay may pinal ng kasunduan upang maiwasan ang anumang katiwalian.

Kaya ang paalala rin natin sa mga buwenamanong bakasyunista, maging responsable at pairalin ang disiplina.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.