Tulong mula sa TESDA, abot saanmang panig ng mundo

MGA ka-TESDA, mapabibilis ang inyong mga kailangan kung ito ay inyong isasangguni, lalo na ang mga bagay o detalye na hindi ninyo lubos na maintindihan. Ang TESDA ay nakaantabay para sa mamamayan na may katanungan at mayroong hindi gaanong maintindihan. Huwag mag-alinlangan, mayroong help desk ang ahensiya upang kayo ay matugunan.
Tanong: Magandang araw! Mayroon akong gustong malaman tungkol sa mga programa ng TESDA para sa mga OFW, saang mga bansa ang kadalasan pinanggagalingan ng mga OFW na sumasali sa programa ng TESDA? — Berlie Natividad,
Sagot
Mga ka-TESDA, ang natutulungang OFWs ay galing sa 33 bansa kung saan karamihan ay mula sa pitong bansa sa Middle East tulad ng Saudi Arabia, Bahrain, Jordan, Kuwait, Lebanon, Qatar at United Arab Emirates (UAE).
Tanong: Magandang araw! Gusto kong malaman kung anong klaseng tulong o benepisyo ang mga naibibigay ninyo sa mga OFW na humihingi ng skills training?—0977 852 4***
Sagot
Mga ka-TESDA, sila ay maaaring pagkalooban ng Certificate of Scholarship Commitment kung saan sasanayin sila sa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) at Special Training for Employment Program (STEP). Ang mga scholarship benefit sa ilalim ng TWSP ay libreng skills training at assessment habang sa STEP, libreng skills training, assessment, entrepreneurship training, starter toolkits at allowance.
Mga ka-TESDA, parami nang parami ang natutulungan ng mga help desk ng ahensiya dahil ito ay palaging bukas kahit anumang oras. Sa lahat ng nais magtanong mapa-OFW man o hindi, magpunta lamang sa pinakamalapit na opisina ng TESDA sa inyong rehiyon at mamili ng nais ninyong kurso.





Comments