BLUE EAGLES, SOSOLOHIN ANG PAGLIPAD SA LIDERATO KONTRA UE RED WARRIORS


MULING makapagsolo sa liderato ang tatangkain ng defending champion Ateneo de Manila sa muli nilang pagharap sa University of the East sa pagpapatuloy ng 2nd round ng UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament ngayong hapon sa Araneta Coliseum. Ang ikalawang salpukan ngayong season ng kasalukuyang lider at ng cellar dweller sa team standings ay magaganap ng 2 p.m. bago ang tampok na laban sa pagitan ng UP Fighting Maroons at kasalukuyang pumapangalawang FEU.
Magbabalik na sa paglalaro para sa Blue Eagles ang dating 2-time Mythical Team member na si Thirdy Ravena mula sa isang larong suspensiyon pero wala pa ring pasabi kung kailan makalalaro ulit ang kambal na sina Mike at Matt Nieto na kasalukuyang nagpapagaling nang dapuan ng dengue.
Magbubuhat ang Ateneo na kasalukuyang kasalo ng Adamson University Falcons sa pamumuno hawak ang parehas na 7-2 marka sa 82-62 panalo kontra FEU Tamaraws sa pangunguna ni Ivorian big man Angelo Kouame na nagposte ng 33 puntos at 27 rebounds.
Bumagsak ang Red Warriors sa ilalim ng standings matapos matamo ang ikawalo nilang talo sa pang-siyam na laban kontra UP Fighting Maroons, 81-94. Sa kampo ng Tamaraws, hindi pa rin makalalaro si ace forward Arvin Tolentino na nakatakdang i-serve ang huling araw sa ipinataw sa kanyang 2-game suspension.
Wala ring katiyakan kung makakalaro ang kanilang 6-foot-10 big man na si Prince Orizu na na-sprain sa first quarter ng nakaraang laban nila sa Blue Eagles.
Sa katunggali nilang UP, magtatangka itong dugtungan ang nakamit na panalo sa nakaraang laban kontra Red Warriors upang patuloy na palakasin ang tsansa nilang umabot ng susunod na round. Taglay ang barahang 4-5, panalo- talo, pupuntiryahin ng Maroons ang 5th win upang makakalas sa pag-kakatabla nila ng UST sa ikatlong puwesto. (VA)





Comments