- Eddie M. Paez, Jr
6 PINOY, MATIBAY SA U.S. INT’L 9-BALL SA VIRGINIA

KUMAMADA ng magkakaibang uri ng panalo ang anim na mga Pinoy cue artists sa pangunguna nina Carlo “Black Tiger” Biado at Dennis “Robocop” Orcullo upang mapanatili ang kanilang lugar sa winners’ bracket ng 2018 US International 9-Ball Open sa Norfolk, Virginia.
Isang gitgitang 11-10 na tagumpay ang dinaanan ni Biado, MVP sa nakalipas na Taiwan - Philippines face-off at kasalukuyang World Pool Billiards Association (WPA) no. 2, sa kamay si Finland bet Jani Siekkinen samantalang walang hirap na pinataob ni Orcullo, AZBilliards Moneyboard no. 2, si Jason Sheerman ng America, 11-1.
Bukod sa dalawang manlalaro mula sa Pilipinas, wala pa ring mantsa ang kartada nina Zoren James “Dodong Diamond” Aranas, Johann Chua at Alex “The Lion” Pagulayan matapos nilang daigin ang kani-kanyang mga karibal.
Tinalo ni Aranas ang bilyarista ng Netherlands na si Marc Bijsterbosch sa isang hill-hill na engkwentro at natapos sa iskor na 11-10, idinispatsa ni Chua ang Amerikanong si C. Rocha, 11-2 habang naging tuntungan ni Pagulayan, tubong-Isabela pero ngayon ay kumakatawan sa Canada kung saan na siya naninirahan, ang isang 11-4 na pangingibabaw kontra kay US bet Danny Olson.
Ang Cebuanong si Warren “The Warrior” Kiamco ay hindi rin nagpadaig nang talunin ang Kastilang si Vidal, 11-4, sa paligsahang magkakaloob ng tropeo at halagang $40,000 para sa magkakampeon.