Search
  • BULGAR

Programang nagpapakita ng kahalagahan ng pagkakaisa, ituro sa kabataan!

KUYA WIN GATCHALIAN / WIN TAYONG LAHAT

PITONG dekada na ang nagdaan mula nang unang ginanap ang United Nations (UN) Day o Araw ng mga Bansang Nagkakaisa upang gunitain ang pagkabuo ng UN Charter noong Oktubre 24, 1945, na itinatag sa San Francisco, Estados Unidos pagkatapos ng World War II.

Ang pag-aaral ng kahalagahan, layunin, gawain at mga kasapi ng bansang nagkakaisa ay pinag-aaralan ng mga mag-aaral upang mapahalagahan ang hangarin at tagumpay ng organisasyon sa buong mundo. Taun-taon, isa ito sa pinakahihintay ng mga batang mag-aaral tuwing Oktubre.

Sabik sila na malaman ang bansang kanilang kakatawanin sa programa at wiling-wili na ipakita sa kanilang mga guro, magulang at bisita ang inensayong performance number kung saan ipinaliliwanag nila ang kultura, kasuotan at kasaysayan ng bansang nakatalaga sa kanila.

Magandang oportunidad ito para sa kabataan dahil sa pamamagitan ng ganitong mga programa ay nabubuksan ang kanilang kaisipan at nagiging pamilyar sa kahalagahan ng samahan at pagkakaisa ng 193 bansang miyembro ng UN, kabilang na ang Pilipinas.

Dahil sa mga ipinaglalabang adbokasya, lalo na sa kapayapaan, nakakampante ang kalooban ng lahat na may ganitong samahang handang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa ating lipunan.

Bukod dito, ito rin ang tumutulong sa paglutas ng mga suliranin ng sangkatauhan sa kabuhayan, lipunan at pantao.

Para maiwasan ang kompetisyon, giyera at hindi pagkakaunawaan ng mga bansa, ang nasabing intergovernmental organization ang namamagitan upang mapanatili ang kapayapaan at pagkakasundo ng mga bansa. Handa nilang patibayin ang pagkakaisa at pagkakaibigan ng mga bansa, base sa pantay-pantay na karapatan ng lahat.

Gaanuman kalaki o kaliit ang bansa na nagtataglay ng iba’t ibang paniniwalang pampolitika at sistemang panlipuan ay mayroong boses at boto ang bawat isa sa mga usapin kung saan nabibigyan ng pagkakataon na balansehin ang kapakanan ng bawat estado.

Isinusulong din nito ang kanilang adhikaing “Zero Hunger by 2030” para sa pagkain at agrikultura, tulungan ang mga refugee, labanan ang kahirapan, nangunguna sa paglaban sa mga sakit, itaguyod ang pagkaklaro ng mga bomba na nakabaon sa lupa o ang tinatawag na landmine at marami pang iba.

Tungkulin ng mga paaralan, sa pangunguna ng ating mga guro na paigtingin ang pagtuturo ng importansiya ng UN sa pamamagitan ng mga debate, postermaking, UN quiz, seminar at mga panayam bilang bahagi ng programa sa eskuwelahan tuwing United Nations Day.

Ang pagpapalawak ng kaalamang pambayan, ekonomiya, karapatan, seguridad at mga kasalukuyang isyu na nakaaapekto sa Pilipinas ay mahalagang maituro, maipaliwanag at maitaas ang kamalayan ng kabataan na siyang magiging susunod na tagapangalaga at tagapamuno ng ating bansa sa hinaharap.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.