- BULGAR
KAHIT INJURED ANG IBANG PLAYERS, LADY REALTORS, BABANAT SA PSL

SA kabila ng problema sa kalusugan, determinado pa rin ang Sta. Lucia na makapagwagi at makapagdomina sa Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference na magbubukas nitong weekend sa Filoil Flying V Centre.
Sinabi ni Head coach George Pascua na ang kanyang top spiker na sina Filipino-American MJ Philips at Chin Basas ay nagpapagaling pa bago simulan ang season-ending conference ng prestihiyosong women’s club.
Dumanas si Philips ng Achilles tendon injury habang si Basas ay nagpapagaling pa rin ng ear at shoulder injuries. Sumasailalim pa ang mga ito sa therapy.
Nangangako ang Lady Realtors na binubuo nina veterans Michelle Laborte at Rubie de Leon at mga batang crew na sina Carlota Hernandez, Pam Lastimosa, Jeanette Villareal, Rebecca Rivera, Roselle Baliton, Jackie Estoquia at Jhoanna Maraguinot na hindi uurong sa bakbakan.
Lalaban sina Libero Rica Rivera, Dhannytaine Demontano at Souzan Raslan para sa Lady Realtors. “We may be dealing with injuries, but we’re ready to go,” ani Pascua, na nagmando sa Petron upang walisin ang conference noong 2015 na pinangunahan nina Rachel Anne Daquis, Dindin Manabat at Aby Marano ang team. “MJ and Chin are not yet in 100 percent, but some players are ready to step up. We know that the All-Filipino is such a tough tournament, but we’re more than ready to compete and show that we belong.”
Sinabi ni Pascua na ang kanilang goal ay makalusot sa semifinal sa unang pagkakataon mula nang lumahok sa liga noong 2017. Pinakadikit nila sa semifinal finish ay noon sa Grand Prix nang tumapos silang 5th place kasama ang imports na sina Marisa Field at Kristen Moncks ng Canada at Bohdana Anisova ng Ukraine.
Tumapos silang 6th place sa Invitationals, nabigyan sila ng rason na makaresbak at magmartsa sa semifinals. “We want to make it to the semifinals – that’s the goal,” ani Pascua. “We are ready. We’re working hard to get there.” (MC/VA)