top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Dahil sa pag-hijack sa pera ng bayan | 1,997 kaso vs. Noynoy

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 22, 2018
3 min read

BAGAMAN, sinusuportahan natin ang pag­sampa ng kaso laban kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Ombudsman.

Sa katuna­yan, hindi dapat 274 ang bilang ng kasong mal­bersasyon ang ibinato sa kanya kundi 1,997 na kaso. Dapat bawat iligal na Special Allotment Release Or­der (SARO) na ipinalabas ay bibilangan ng isang punto ng malbersasyon.

Inilabas ng Budget department ni Butch Abad ang mga SARO noon, alinsunod sa utos ni ex- P-Noy sa ilalim ng kanilang inimbentong programa, ang Disbursement Acceleration Program (DAP). Ang SARO ang dokumento na siyang nagpapalabas ng pera mula sa kaban ng bayan, ang Treasury.

Magkano ang pondo ng bayan na nilaro at pi­nakinabangan ng barkadang dilawan? Sumatutal, P147 bilyon. Sabi nina ex-P-Noy at Abad, gusto nilang pabilisin ang paggamit sa pondo ng gobyerno kaya nila ginawa ang DAP.

Hindi ito totoo, marami sa mga programang ginawa nila ay may bahid ng politika. Higit sa lahat, labag sa batas ang pagbuo ng DAP, ayon mismo sa Korte Suprema.

Malinaw sa Konstitusyon at sa ating mga batas na ang Kongreso lamang ang maaaring magtalaga o mag-‘appropriate’ ng pera para sa mga proyekto ng gobyerno kaya taun-taon nagpapasa sila ng General Appropriations Act, ang detalyadong budget ng gobyerno.

Hindi puwedeng pahintuin ng pangulo ang isang programa para gamitin niya ang pondo para sa iba, gayundin, hindi puwedeng umikot ang perang na­kalaan para sa iba para mailipat sa ibang proyekto. Kailangan ang lahat ng kilos kaugnay ng budget ay may pahintulot ng Kongreso.

Ipinaalam ba nina ex-P-Noy at Abad ang DAP sa Kongreso? Hindi, kaya malinaw na ang ginawa nilang pag-hijack sa pondo ng bayan ay “technical malversation”, gayundin ay maaari silang makasuhan ng “illegal use of public funds.”

Ayon sa Korte Suprema, “malupit ang batas, pero ito ang batas” (dura lex sed lex).

Noong 2001, isang mayor sa Leyte ang nagbigay ng apat na sako ng bigas at 2 kahon ng sardinas na nagkakahalagang P3, 400 sa mga gumagawa ng ba­hay na nasira ng bagyo ngunit, ang pagkaing ito ay galing sa ibang programa ng sangguniang bayan.

Kinasuhan ang mayor ng technical malversa­tion kahit sinabi nitong sa “savings” daw galing ang mga pagkain ay napan pa rin siya na may sala dahil hindi raw puwedeng galawin ang pondo ng bayan kung hindi ito aprubado sa batas.

Gayunman, ano ba ang DAP nina ex-P-Noy at Abad? Ayon sa kanila, maganda raw ang intensiyon nila ngunit, ang sabi ng Korte Suprema ay hindi ito puwedeng depensa.

Ang batas ay batas at nilabag ito nina ex-P-Noy, Abad at iba pang mga opisyal.

Inimbestigahan natin ng mabuti kung saan inikut-ikot ni ex-P-Noy ang pondo ng gobyerno at nadis­kubre natin na ang malaking parte nito ay ginamit niya bilang suhol sa mga senador at kongresista para ma-impeach si Chief Justice Renato Corona.

Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, ginamit daw ni ex-P-Noy ang DAP para makumbinsi ang mga senador na iboto si Corona na “guilty” sa kanyang impeachment trial at bawat senador daw ay binigyan ng P100 milyon para sa kanilang mga “pet project”, hindi raw nila alam na galing ito sa DAP at ang akala nila ay regular na pork barrel ito.

Gayundin, ginamit umano ni ex-P-Noy at ng di­lawang partido niya ang DAP para mapakina­bangan ng mga kaalyado nito para sa eleksiyon noong 2013 at 2016.

Gayundin, napakalaking pondo ang naibigay sa Department of Interior and Local Government at ang hepe noon ay si Mar Roxas.

Saan kaya ginamit ni Mar at ng DILG ang pera? ‘Yun ang tanong!

Inilihis din ni ex-P-Noy ang P1.5 bilyong pondo sa budget para magamit sa imprastruktura sa kan­yang probinsiya ng Tarlac at hindi na tayo magugulat kung ang mga proyekto ay sa paligid lang ng kan­yang Hacienda Luisita.

Sinabi ng Korte Suprema noong 2014 at 2015 na labag sa Konstitusyon ang DAP ni ex-P-Noy. “Walang pera na lalabas sa Treasury maliban sa pag­lalaan o appropriation na ginawa ng batas.”

Ang mga SARO (bilang 1,997) para sa DAP na ipinalabas nina ex-P-Noy at Abad ay wala lahat sa mga batas ng budget na ipinasa ng Republika ng Pilipinas.

Walang nangyari sa mga kaso sa Ombudsman noong protektor pa ng mga dilawan na si Conchita Carpio Morales.

Gayunman, umaasa tayo na pag-aaralan nang husto ni Ombudsman Samuel Martires ang isyung ito para magkaroon tayo ng hustisya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page