P-Duterte, galit sa adik pero mga kandidato, ayaw ipa-drug test?!
- BULGAR

- Oct 21, 2018
- 2 min read
HATE RAW NI P-DUTERTE ANG MGA ADIK, PERO AYAW IPA-DRUG TEST ANG MGA KANDIDATO — Iminungkahi ni PDEA Director Aaron Aquino na isailalim sa drug test ang lahat ng mga kandidato sa eleksiyon, pero imbes suportahan ito ni P-Duterte dahil hate raw niya ang drugs at may “war on drugs” siya, aba, ayaw daw payagan ng Malacañang ang mungkahing ito ng PDEA.
Tila yata alam ng Malacañang na may mga “manok” sa eleksiyon si P-Duterte na “tatamaan” sa drug test kaya tinabla ang mungkahing drug test ng PDEA sa mga kandidato sa eleksiyon, boom!
◘◘◘
DRUG TEST SA MGA BATA, APRUB SA MALACAÑANG; DRUG TEST SA MGA PULITIKO, AYAW? — Anong klaseng pag-iisip mayroon ang mga taga-Malacañang kasi noong iminungkahi ng PDEA na ipa-drug test ang lahat ng batang estudyante, aba, aprub agad ito kay P-Duterte.
Pero nang imungkahi ng PDEA na ipa-drug test ang mga kandidato, rejected daw ito sa Malacañang. Mantakin ninyo kapag ang mga batang estudyante, aprub agad sa Malacañang na ipa-drug test, pero kapag mga pulitiko ay ayaw daw, mga buwisit!
◘◘◘
MGA MAMBABATAS, NAGPAPAKATUTA NA RIN KAY SARA — Mismong si P-Duterte ang nagsabi na ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio raw ang nagmaniobra para matanggal sa pagiging Speaker of the House si Rep. Pantaleon Alvarez.
Ganu’n? Aba, bad ‘yan kasi kahit anak ni P-Duterte si Sara ay hindi ito dapat nakikialam para matanggal sa puwesto ang Speaker at palitan ito ng gusto niyang maging House Speaker, lalo na at nasa Konstitusyon na magkahiwalay ang kapangyarihan ng Ehekutibo at Lehislatura.
Dahil sa sinabing ‘yan ni P-Duterte, lumalabas na hindi lang sa pangulo nagpapakatuta ang mga mambabatas kundi pati sa kanyang anak na si Sara, boom!
◘◘◘
GRUPO NI ‘CAROL BAKULAW’, DAPAT IPAARESTO NA NI MAYOR ERAP — Sinisira raw ng grupo ng isang “Carol Bakulaw” ang puwesto ng vendors na tumatangging magbigay ng kotong sa kanila sa Divisoria at Recto sa Maynila.
Aba, dapat ipahuli na ni Mayor Erap Estrada ang grupo ni “Carol Bakulaw” kasi kapag nabuwisit sa kanya ang vendors sa kawalan nito ng aksiyon ay baka ibasura ng libu-libong manininda sa Divisoria at Recto ang kanyang kandidatura sa pagka-alkalde sa Maynila, period!





Comments