- BULGAR
Kung walang kinatatakutan | Hamon sa mga kandidato, magpa-drug test
RYAN B. SISON / BOSES
KANI-KANYANG diskarte na ang mga kandidato sa nalalapit na eleksiyon, pero ang mas pinag-uusapan ay kung dapat bang ipa-drug test ang mga kandidato upang makasiguro tayo na malinis ang intesiyon nilang manalo at makatulong sa mga Pilipino.
Kaya sa panukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsagawa ng mandatory drug testing sa mga kandidatong tatakbo para sa 2019 Midterm Elections, nilinaw ng Malakanyang na hindi sila kontra rito dahil sa katunayan, maganda ang intensiyon ng nasabing ahensiya sapagkat nakapagbibigay ito ng mahalagang impormasyon sa mga pipiliing kandidato sa nalalapit na halalan.
Bagama’t, kung magsasagawa ng mandatory drug testing, makalalabag ito sa Saligang-Batas na sang-ayon sa ruling ng Korte Suprema sa kaso ng Social Justice Society vs. Dangerous Drugs Board.
Kung saan sinasabi rito na hindi pinapayagan ang mandatory drug testing sa mga senador dahil karagdagang kuwalipikasyon ito na wala sa probisyon ng Konstitusyon.
Subalit, maaaring isailalim sa mandatory drug testing ang mga kandidato sa local government units (LGUs) tulad ng gobernador, mayor, mga konsehal at bokal dahil hindi nakasaad sa Konstitusyon ang kanilang kuwalipikasyon sa pagtakbo.
Ngunit, kung maaari ay puwede itong gawing boluntaryo, lalo na kung wala namang kinatatakutan ang kandidato.
Gayunman, inihayag ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na tatalakayin pa ng Palasyo at PDEA ang mga espesipikong kondisyon at paraan hinggil sa panukalang mandatory drug testing sa mga kandidato sa eleksiyon bago maglabas ng matalinong desisyon.
Samantala, ang patuloy nating hiling sa darating na araw ng halalan, sana ay walang mangyaring dayaan at magkaroon ng matalinong pagboto ang mga botante nang sa gayun ay karapat-dapat ang mga kandidatong uupo at magkakaroon ng puwesto sa gobyerno.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.