- BULGAR
Maling politika ang dahilan ng mabagal na rehabilitasyon sa Marawi
FR. ROBERT P. REYES / KAPAAYAPAAN
IPINAGDIWANG noong nakaraang Miyerkules, ika-17 ng Oktubre, ang unang anibersaryo ng katapusan ng giyera sa Marawi. Pagkatapos ng isang taon, wasak pa rin ang Marawi at tila hindi pa rin tiyak kung paano mangyayari ang rehabilitasyon dito. Nabanggit ang P20 bilyon bilang halagang inilaan ng pamahalaan para rito. Gayunman, hindi malinaw kung saan manggagaling ang kabuuang halaga para sa rehabilitasyon. Madalas mabanggit ang China na maaari raw magbigay ng tulong-teknikal at pinansiyal ngunit, inabot na ng isang taon ay hindi pa rin ganu’n kalinaw ang ano, paano, sino at magkano ang rehabilitasyon ng Marawi. Ano ang nagpapabagal o nagpapabilis sa takbo ng mga proyekto at programa ng pamahalaan? Ang malinaw na sagot, politika!
◘◘◘
Natapos na ang deadline ng filing ng certificate of candidacy (COC) sa Comelec. Lumabas na ang mga mukha at pangalan ng mga tatakbo para sa iba’t ibang puwesto ng pamahalaan. Nakagugulat at nakapagtataka ang bilang ng tatakbong senador, isandaan at limampu’t dalawa (152) ang tatakbong kandidato sa Senado. Gayundin, ang bilang ng mga partylist na umabot ng isandaan at walumpu’t lima (185). Ang tanong, sino sa mga kandidato ang mayroong tunay na diwa ng kapayapaan sa kanyang puso at handang magsakripisyo?
Matagal na panahon na nating naranasan ang political dynasty kung saan ito ang may hawak ng poder at kabuhayan sa mga lalawigan, siyudad at bayan.
Piyudal pa rin ang ating bansa at kitang-kita ito sa mga nag-file ng COC. Mayroong mga bagong mukha at pangalan, ngunit, halos lahat ay walang ipinagkaiba.
Nakalulungkot ang sinabi ng kaibigan natin noong nakaraang araw, tila magiging masaya raw ang marami sa darating na pitong buwan. Magsisimula na ang kampanya at eleksiyon kaya pitong buwan daw tayong may hanapbuhay sapagkat babaha ang salapi mula sa mga kandidato.
Maraming bahagyang giginhawa ang buhay sa susunod na pitong buwan, subalit, posible rin na dumami ang karahasan dulot nito tulad ng paninira, lokohan, takutan at gipitan na karaniwang gawain ng maraming kandidato. Ito ang kalakaran na ng politika kaya huwag na tayong magtaka kung mabagal ang rehabilitasyon ng Marawi. Gayunman, kailan kaya magigising ang nakararami, hindi lang sa tamang politika kundi sa tunay na kapayapaan?