- BULGAR
‘Pinas, imbes na umasenso, lalong lumulubog sa pagtataas ng presyo ng mga bilihin!
RYAN B. SISON / BOSES
HALOS lahat ng pangunahing pangangailangan ay nagsisitaasan na ang presyo kaya tuloy, ang bansa natin imbes na umasenso ay lalong lumulubog sa problema at reklamo.
Sa katunayan, nito lamang ay nakapagtala ng 6.2 porsiyento ang inflation para sa third quarter ng taon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na nalikom sa nakalipas na tatlong buwan.
Ang nasabing datos ay higit na mataas kaysa sa ikalawang quarter ng taon na mayroong 4.8 %.
At kahit umano nagtaas ng kanilang benchmark borrowing rate ang BSP dahil sa mabilis na pagtataas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa serbisyo ay patuloy pa rin itong tumataas.
Gayunman, una ng umakyat sa 6.7 porsiyento ang inflation noong Setyembre base sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Kaya dahil dito, kahit ang basic goods ay nagmamahal na rin tulad ng bigas, meat products, iba’t ibang klase ng gulay at marami pang iba.
Ngunit, ang buwelta ng pamahalaan, nakaapekto rin umano ang kalamidad sa pagtataas ng presyo, lalo na ng mga gulay at prutas na iniaangkat pa sa mga lalawigan na pinagmumulan ng suplay na marahil ay nasalanta ng bagyo, landslide o anumang kalamidad.
Samantala, kung patuloy na tataas ang presyo ng mga bilihin, pero hindi nagtataas ang kinikita ng bawat Pilipino, paano na lang tayo?
Saan kaya tayo pupulutin nito?
Huwag sanang tuluyang mapako ang pangako ng gobyerno na pagbabago para sa lahat.
Maniwala tayo na sa pagtutulungan ng pamahalaan at ng mamamayan, malalagpasan din natin ang lahat ng suliranin na nararanasan ng ating bansa sa kasalukuyan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.