Sabwatang komunista at dilawan parang yelo sa ilalim ng araw | Planong pabagsakin si P-Duterte, nalu
- BULGAR
- Oct 19, 2018
- 3 min read
PARANG yelo sa ilalim ng mainit na araw, ganu’n kabilis na natunaw ang balak ng mga komunista at dilawan na pabagsakin ang gobyernong Duterte sa pamamagitan ng kanilang “Red October Plot”.
Ayon sa mga dokumentong nakumpiska ng Armed Forces of the Philippines mula sa mga naarestong miyembro ng New People’s Army, plano nilang magsagawa ng isang linggong kaguluhan mula Oktubre 11 hanggang 17 o hanggang sa mapatalsik si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa Malacañang.
Nang madiskubre ng AFP ang maitim na plano laban sa gobyerno ay inanunsiyo agad nila ito sa publiko kaya biglang nagtago ang mga ito na tila mga daga ang may masasamang balak.
Ayon kay AFP Assistant Deputy Chief of Staff for Operations Brig. Gen. Antonio Parlade, Jr., si CPP Founding Chairman Jose Maria Sison daw ang may pakana at konduktor ng operasyon na destabilisasyon ng bansa.
Kaalyado raw ng CPP at New People’s Army ang mga dilawang grupo na Tindig Pilipinas at Magdalo ni Senador Antonio Trillanes IV, pero todo-deny ang mga ito.
Nag-deny ba sila dahil hindi sila kasama o dahil nabuking ng militar ang pakana nila?
Malamang ay natakot agad ang mga miyembro ng Tindig Pilipinas nang mabisto ang planong “Red October Plot”. Marami sa miyembro nila ay mga elitista, mga mayayaman na siguradong hindi makatitiis sa kulungan kung mahuhuli sila.
Ang mga Magdalo naman ay hindi raw maaasahan sa anumang proyekto. Dalawang beses nagtangka ang mga ito na magkudeta, pero pumalpak dahil puro mga duwag, lalo nang pinalabas ng AFP ang tangke kaya surender agad sila.
Pagkatapos magtangka na pabagsakin ang gobyerno ay sumama sa gobyerno ang mga miyembro ng Magdalo dahil gustong sumikat para maging pulitiko na may malaking suweldo.
Kung titingnan ang ating kasaysayan, matagal na ang sabwatan sa pagitan ng mga komunista at dilawang grupo na pinangungunahan ng Liberal Party.
Noong termino ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, bago pa nagdeklara ito ng Martial Law ay may kooperasyon na raw ang mga ito para maagaw ang kapangyarihan kay ex-P-Marcos.
Ang pagbomba sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971 ay ideya ni Joma Sison, para mapilitang magdeklara ng Martial Law si ex-P-Marcos.
Ang tinarget niya ay ang miting de-avance ng LP na matinding karibal sa politika ng Nacionalista Party ni ex-P-Marcos.
Alam ni Joma na madali niyang maibebenta ang ideya na si ex-P-Marcos ang may pakana ng pagbomba.
Kahit noon pa ay anti-government na ang media na naniniwala sa mga kaaway ng bayan kaysa sa gobyerno.
Pero, mula ng pagbomba na ‘yun, marami na ang nagsalita at nagpatunay na si Joma Sison ang tunay na “utak” ng Plaza Miranda bombing.
Ang nakaligatas sa pambobomba ay si Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. na sinabihan diumano ng isang kumander ng NPA na huwag pumunta sa Plaza Miranda, kaya pala si Ninoy lang sa lahat ng kandidato ng LP ang wala roon, nakatanggap daw ito ng “tip” mula sa mga pulahan.
Malaki ang utang ng loob ng mga komunista kay Ninoy dahil siya raw ang tumulong sa pagbuo at pagtayo ng CPP-NPA-NDF.
Doon sa loob ng kanyang malawak na Hacienda Luisita nagmiting daw sina Joma ng CPP at Bernabe Buscayno na dating kumander ng mga Huk.
Nagkaisa ang dalawa na pagsamahin ang kanilang puwersa. Tinawag ni Buscayno alyas Kumander Dante ang kanyang bagong grupo na New People’s Army.
Gayunman, walang nangyari sa plano ng mga komunista at dilawan na pabagsakin si P-Duterte dahil napakalakas ng suporta ng masa sa kanya.
Nakikita kasi nila na napakasipag nito at ginagawa ang lahat para mapabuti ang buhay ng mga mahihirap.
Comments