Pulis binentahan, 7 huli sa shabu
- Maeng Santos
- Oct 19, 2018
- 1 min read
PITO katao ang nasakote matapos magbenta ng shabu sa pulis sa buy-bust operation sa magkakahiwalay na barangay sa Caloocan City.
Ayon kay Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit Head PCI Rengie Deimos, alas-10:30 ng gabi nang isagawa nila ang buy-bust operation kontra sa umano’y tulak ng droga na sina Vergel Manansala, 33, tricycle driver at Manuelito Ledesma, 51, beautician sa Bgy. 168.
Matapos iabot ng mga suspek ang isang plastic sachet ng shabu na nagkakahalaga sa P200 sa undercover police na nagpanggap na poseur-buyer ay agad inaresto ang mga ito.
Narekober sa mga ito ang dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu, isang cal. 9mm pistol na may magazine at kargado ng 8 bala at buy-bust money habang inaresto rin ang ina ni Manansala na si Maria Elena, 53, dahil sa paglabag sa obstruction of justice matapos pigilan ang pag-aresto sa kanyang anak.
Sa Bgy. 170, unang nasakote rin ng mga operatiba ang tatlong hinihinalang drug pushers na sina Sixto Bautista, 55, Christian Jarigal, 31, at Nicomedes Rodel Rosales, 45, matapos magbenta ng isang plastic sachet ng shabu na nagkakahalagang P200 sa pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa buy-bust operation, alas-12:55 ng hatinggabi.
Nakuha sa mga suspek ang buy-bust money at dalawang plastic sachets ng shabu na narekober kay Rosales habang dinampot din ng mga operatiba ang umano’y drug user na si Allan Labsan, 39, driver matapos mahulihan ng isang plastic sachet ng shabu.





Comments