Anunsiyo ng gobyerno, linawin muna bago ipaalam sa publiko!

NOONG Linggo, inanunsiyo ni Finance Sec. Carlos Dominguez III na suspendido na ang dalawang pisong excise tax sa mga produktong petrolyo na ipatutupad sana nitong Enero sa ilalim ng TRAIN 2. Pero, hindi ito ang buwis na ipinasususpinde ng marami kundi ang pagpapatupad ng batas na nagsasaad na kapag umabot sa walumpung dolyar bawat bariles ang presyo ng langis ng tatlong buwan, suspendido ang anumang karagdagang buwis sa produktong petrolyo. Hindi pa rin suspendido ang pitong pisong excise tax na idinagdag ng TRAIN 1 at wala pang linaw kung babawiin ito ng gobyerno. Sa madaling salita, wala pang magandang balita.
Pero, maraming eksperto ang nagsasabing hindi sa presyo ng langis sa mundo nakasalalay ang inflation ng bansa kundi sa pagkain, partikular sa bigas. Noong huling miting ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi umano ni ex-Presidential Spokesperson Harry Roque, Jr. na tinanggal na raw ni P-Duterte ang mga balakid sa pag-angkat ng bigas. Pati raw ang NFA ay wala nang kontrol sa pag-angkat. Pero agad nilinaw ni Agriculture Sec. Manny Piñol na hindi ibig sabihin ay kung sinu-sino na ang puwedeng magpasok ng bigas sa bansa kundi sisiguraduhing maraming suplay ang bansa para sa lahat. Siguro, dapat muna nilang linawin ang kanilang mga gustong ipaalam sa bansa dahil marami ang naghihirap sa simpleng pagbili ng bigas sa araw-araw.
◘◘◘
Nagsimula na ang “dry run” sa pagbukas ng Boracay Island nitong Lunes. Nakatakdang opisyal na magbubukas ito sa Oktubre 26, anim na buwan matapos itong maipasara ng gobyerno at rehabilitasyon ang intensiyon ng pagpapasara nito. Sa panahon ng “dry run”, iinspeksiyunin ng gobyerno ang kalidad ng tubig, solid waste management at transportasyon sa isla. Mga residente ng Aklan na ang bibigyan ng prayoridad bisitahin ang isla, kabilang ang mga empleyado ng mga establisimyento.
Pero ayon kay DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat, 68 sa 455 hotel at resorts ang pinayagang magbukas dahil sila ang sumunod sa mga kinakailangan ng gobyerno. Iginiit din ng kalihim na hindi na makikilalang “party place” ang Boracay Island kapag opisyal na itong nagbukas. Panahon na lang ang makapagsasabi kung magiging matagumpay ang “family-oriented” na Boracay Island.





Comments