Voter’s education, kailangan sa pagpili ng mga mabuting kandidato

Nagsimula na ang filing ng certificate of candidacy ng mga tatakbo sa halalan sa Mayo 2019. Walang magawa ang Comelec sa kaguluhang nilikha sa rami ng mga kandidato at ng kanilang supporters na dumating, gayundin asahan na natin ang kakaibang takbo ng buhay sa darating na pitong buwan. Maraming magkakaroon ng pansamantalang hanapbuhay bilang mga kasapi sa kampaya tulad ng security, watchers at volunteers na tatanggap ng allowance mula sa mga kandidato. Naghihintay na rin ang catering services, t-shirt printing shops, printing press para sa sample ballots at sari-saring campaign materials.
Gayunman, naiisip na natin ang gabundok na basurang lilikhain sa panahon ng kampanya at mismong araw ng halalan, subalit, mayroong ding mga lilikha ng kalat at polusyon sa maselang kapaligiran ng kaisipan tulad ng moralidad at kultura ng mamamayan dahil maghahanapan na ng kasiraan, totoo man o hindi ang mga kandidato at supporter nito laban sa katunggaling mga kandidato at kung ganito karumi ang panlabas at panloob na kapaligiran, paano makapagpapasya ng maayos ang taumbayan?
Magsisimula na ang “voter’s education” para matulungan ang taumbayan sa pagpili ng mga kandidato upang sukatin ang kanilang kakayahan, pagkatao at track-record.
Subalit, kabilang din dito ang kilala at inaasahang “last two minutes” sa panahon ng kampanya. Ito ang huli at pinakamalaking “regalo” galing sa mga kandidato.
Pera, ito ang nagpaparumi at nagpapapangit sa politika. Ang tanong, may pera ka ba? Kung wala ay kaya mo bang dumikit, magpalakas at gumawa ng anumang paraan upang manalo? May kakilala ka bang mga sindikato at kaya mo bang makipaglaro sa kanila para makakuha ng suporta?
Nasaan na ang konsensiya, kakayahan, epektibong pamumuno at paglilingkod? Gayunman, alam nating mayroon pa ring mga mabubuti at magagaling na mga kandidato na hindi magpapagamit sa “money politics” at ang dapat nating gawin ay kilalanin sila.





Comments