- BULGAR
TIGERS, HINAMIG ANG MEN’S AT WOMEN’S GOLD SA TABLE TENNIS

NAGPOSTE ang University of Santo Tomas ng sweep nang kapwa nito makopo ang women’s at men’s titles noong Lunes sa pagtatapos ng UAAP Season 81 table tennis tournament sa University of the Philippines College of Human Kinetics Gym sa Diliman.
Tinapos ng Tigresses ang apat na taong dominasyon ng De La Salle sa women’s division makaraang walisin ang Finals sa pamamagitan ng pagtala ng identical na 3-2 panalo.
Inungusan ng Growling Tigers ang National University, 3-2, sa men’s Finals opener at kinumpleto ang perfect 16-0 season sa pamamagitan ng 3-0 sweep sa Game 2.
Dahil dito, naitala ng UST ang rekord na 27th men’s table tennis title, habang ipinoste nila ang league-best 13th championship sa women’s division.
Nagtapos na pangalawa ang Tigresses sa eliminations kasunod ng Lady Paddlers na awtomatikong pumasok ng Finals sa bisa ng 14 game sweep.
Pero hindi agad sumuko ang Tigresses hanggang sa matalo ni Shaeena Ronquillo si Jhoana Go, 11-5, 6-11, 11-8, 9-11, 11-6, sa deciding singles upang mawalis ang series at wakasan ang kanilang 12-year title drought.
Pulos na baguhan ang limang players, pinilit ng Bulldogs na maipagtanggol ang kanilang titulo sa men’s division ngunit ‘di sila umubra sa Tigers.
Nagsipagwagi sina Katrina Tempiatura at Paul Que ng UST bilang women’s at men’s MVP ayon sa pagkakasunod habang nahirang si Josh Castro ng Tigers at Jannah Romero ng Lady Paddlers bilang top rookies.
Samantala sa juniors division, nakamit ng University of the East ang boys’ title matapos walisin din ang UST, 3-1 at 3-0 sa finals. (VA)