top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Ipinansuhol sa mga mambabatas para masipa si ex-CJ Corona | Noynoy, tinuluyan sa iligal na DAP

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 17, 2018
3 min read

MATAGAL na nating isinusulat ang tungkol sa Disbursement Acceleration Program (DAP), ang iligal na programang inimbento ni dating Pangulong Be­nigno ‘Noynoy’ Aquino III para makakuha ng pon­dong pansuhol sa mga pulitiko. Salamat at may nag-file na ng matinong kaso sa Ombudsman laban kay ex-P-Noy.

Matapang na pumunta sa Office of the Ombuds­man si Greco Belgica, miyembro ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) para sampahan ng 274 bilang ng malbersasyon si ex-P-Noy at mga kaalyado nito.

Isinama sa kaso ang mga kilalang dilawan na sina Sen. Franklin Drilon, Mar Roxas, Florencio Abad, Emilio Abaya at Sen. Antonio Trillanes IV. Gayundin ang dating DBM undersecretary na sina Mario Relampagos, Director Yolanda Doblon at iba pang mga sangkot sa DAP.

Ayon sa grupo ni Belgica na Coalition for Truth and Justice, tatlong beses naglabas ng malalaking pondo mula sa DAP papunta sa mga senador at kongresista na nagkakahalagang P17.3 bilyon.

Mayroon daw 21 senador at 139 kongresista ang nakatanggap ng iligal na pondo mula sa unang hulog nito na 19 at 95 sa pangalawang bigay.

Labag sa Konstitusyon ang ganitong pag-ikut-ikot ng pondo mula sa gobyerno. Ang masama pa rito, ginamit diumano ni ex-P-Noy ang perang ito bilang pansuhol sa mga pulitiko sa Senado at Kon­greso para iboto nila na ma-impeach at ma-convict si dating Chief Justice Renato Corona.

Atat na atat si ex-P-Noy noon na matanggal si Corona sapagkat gusto niyang ipalit ang kanyang klasmeyt na si Maria Lourdes Sereno, para na rin madepensahan ang mga kaso ng Hacienda Luisita sa Korte Suprema.

Naglabas si Belgica ng ‘timeline’ kung saan ma­kikita na nag-timing ang mga mokong para sa suhu­lang ginawa nila.

Halimbawa, isang araw ma­tapos magdesisyon ang Korte Suprema tungkol sa Hacienda Luisita ay binigyan ang 70 kongresista ng P100 milyon bawat isa na galing sa DAP.

Mula Oktubre hanggang Disyembre 2011 o apat na araw bago ma-impeach si Corona, nakatanggap ang 124 mga pulitiko ng pondong nagkakahalagang P1.5 bilyon. Mula Nobyembre hanggang Disyembre ay P1.9 bilyon ang nailabas para sa mga senador.

Nang isinumite ng Kongreso ang Articles of Im­peachment laban kay Corona, naglabas naman ang Budget Department ni Abad ng mga Special Allot­ment Release Orders (SAROs) mula sa DAP. Nagkakahalaga ito ng P7.3 bilyon at ibinigay ito sa 11 senador.

“Dito mo makikita ‘yung timeline na nagpapa­tunay na ‘yung pera, ang pondo ng DAP ay ginamit para maimpluwensiyahan ang boto ng mga senador at kongresista para ma-impeach ang Chief Justice” sabi ni Belgica.

Sa madaling salita, ang DAP ay ginamit para sa sariling benepisyo para makontrol ang mga pulitiko at para sundin nila ang gusto ng mga taga-Mala­cañang.

Bagaman, maraming senador ang nakinabang sa DAP, sina Drilon at Trillanes muna ang isinama sa kaso dahil ang mga ebidensiya na nalikom ay naka­tutok sa kanila.

Si Drilon din ay isinama sa kaso bilang dating chairman ng Senate Finance Committee at gayundin si Abaya na dating pinuno ng House Appropriations Committee.

Si Trillanes naman ay naiiba ang ebidensiya laban sa kanya, ayon kay Belgica. Hindi lang daw tumang­gap ito ng pera mula sa DAP, pero nagsagawa rin daw ito ng mga “ghost project”, ayon sa reklamong isinampa sa Ombudsman.

Istrikto ang ating mga batas tungkol sa paggamit ng pondo ng gobyerno. Hindi natin puwedeng gamitin ‘yun nang walang awtorisasyon at hindi rin puwe­deng palipat-lipat ang pera sa kung anu-anong pro­yekto. Marami nang mga lokal na opisyal ang na­kulong matapos lumabag ng ganitong batas.

Pero ngayon, mga sikat at kilalang pulitiko ang sumuway sa batas, matindi rin kaya ang parusang ibibigay sa kanila? Sana ay maging masigasig ang bagong Ombudsman na si Samuel Martires, na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto noong Hulyo.

Ang dating Ombudsman, si Conchita Carpio-Morales, sumobra ang pagka-biased para sa mga dilawan. Maraming nakapansin na binibigyan niya ng proteksiyon sina ex-P-Aquino at Abad sa pama­ma­gitan ng magagaang na kaso at parusa na tila pitik lang sa kamay.

Noong Hunyo ay na-indict si ex-P-Noy para sa iligal na DAP pero, ang kasong ginawa ni Morales ay ang walang kuwentang ‘usurpation of legislative powers’.

Ganito rin ang mahinang kaso na ibinigay kay Butch Abad. Guilty daw ito ng misconduct kaya inutusang magbayad ng tatlong buwang suweldo niya. Sa dami ng pera ni Abad kayang-kaya niyang bayaran ito.

Paano na ang hustisya? Sana, maging matapang si Ombudsman Martires na kasuhan ang mga di­lawang lumalabag sa ating mga batas.

Bigyan sana sila ng leksiyon na hindi puwedeng paglaruan ang kaban ng bayan at hindi rin puwe­deng sirain ang buhay ng sinuman tulad ng ginawa nilang paninira sa pangalan at reputasyon ni Corona.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page