- BULGAR
Babala sa mahilig uminom ng softdrinks!
SHANE M. LUDOVICE, M.D / SABI NI DOC
Dear Doc. Shane,
Madalas akong kinakabagan, lalo na kapag medyo napadami at mabilisan ang aking pagkain. Ano ang mga sanhi nito at ano ang dapat kong gawin?— Gina
Sagot
Ang kabag sa tiyan ay karaniwang sakit na nararanasan ng lahat. Ito ang pakiramdam na tila palaging busog at matigas ang tiyan dahil sa pagdami ng gas sa small intestine.
Narito ang mga sanhi ng pagkakaroon ng kabag:
Pagpupuyat — ang cortisol at mataas na blood sugar na dala ng pagpupuyat ay nakaka-stress sa bituka ng tao kaya pinagmumulan ito ng kabag.
Kawalan ng ehersisyo — kapag walang ehersisyo ay hindi madaling mailabas ang hangin sa sistema ng katawan.
Mabilisang pagkain — dapat tandaan na ang proseso ng pagtunaw ng pagkain ay nagsisimula sa bibig at hindi sa tiyan. Kapag mabilis ang pagkain na hindi masyadong nangunguya ay nahihirapan ang tiyan na tunawin ang mga kinain.
Paninigarilyo — dahil sa hangin na pumapasok sa tiyan na naiipon sa digestive tract. Ang mga kemikal din ay nagdudulot ng hindi maayos na galaw ng mga kalamnan sa sikmura na siyang dahilan ng pagkakaroon ng kabag at heartburn.
Labis na pag-inom ng mga inuming may soda —ito ay dahil sa taglay nitong carbonated gas. Bagaman, kadalasan na dumidighay pagkatapos uminom ng softdrinks ay may natitira at naiipon pa ring hangin sa ating sikmura kaya nagdudulot pa rin ito ng kabag sa tiyan.
Hindi pag-inom ng maraming tubig — kapag kulang sa tubig o dehydrated.
Pagkain ng mga processed food — ang katawan ay nangangailangan ng asin para sa maayos na metabolic functions, ngunit, ang sobrang asin ay maaaring magdulot ng mga problema sa kalusugan kabilang na ang abdominal fluid retention.
Gayunman, dapat mailabas ang sobrang hangin na naipon sa small intestine.
Narito ang mga dapat gawin upang maiwasan ang pagkakaroon ng kabag:
Ugaliin ang pagkain ng balanced diet.
Nguyaing mabuti ang kahit na anong kinakain.
Ugaliing nakasara ang bibig kapag ngumunguya.
Uminom muna ng tubig bago kumain — makatutulong ito para mabawasan ang acid sa tiyan.