Search
  • BULGAR

Abot-kayang halaga ng mga gamot, ibigay sa mga Pinoy!

SONNY ANGARA / AGARANG SOLUSYON

PIRMA na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte at aarangkada na ang Universal Health Care Bill, matapos itong maipasa sa Senado nitong nakaraang linggo.

Sa pamamagitan nito, nakasisiguro na tayo na bawat Pinoy, mahirap man o mayaman ay may pagkakataon nang mabili ang kinakailangan nilang gamot sa abot-kayang halaga kaya wala nang mabubutas na bulsa dahil sa mga abot-langit na presyo ng mga gamot. Sa ilalim ng panukalang ito, hindi lang mura ang mga gamot kundi magiging libre na ang pagpapa-check-up at ang laboratory tests. Kadalasan, ang mga prosesong ito ay kabilang sa sakit ng ulo ng mga kababayan natin dahil pabigat sa budget. Napakalaking tulong ng generics, lalo na sa mga kababayan nating kapos dahil ayon sa ibang mga nakausap natin, lalo raw silang nagkakasakit kapag bumibili sila ng gamot dahil sa sobrang kamahalan.

Kung pagbabatayan ang ulat ng Department of Health (DOH), malaki ang panganga­ilangan ng buong bansa sa generic medicines dahil 65 porsiyento ng kabuuang kita ng pharma-market ay mula sa generics. Patunay na ito ang tinatangkilik ng karamihan sa atin at dapat ibigay natin ang karapatang ito sa ating mga kababayan.

Lumaganap ang generic medicines sa bansa matapos iakda noong 1988. Dahil sa batas na ito, lahat ng doktor ay inatasang magreseta ng generic medicines sa kanilang mga pasyente, lalo na sa mga walang kakayahang bumili ng branded na gamot. Para sa kaalaman ng lahat, mura nang 50 hanggang 70 percent ang halaga ng generics kaysa branded medicines na magkahalintulad din ang effectiveness ayon sa mga dalubhasa.

Ang masakit, kahit may Generics Act tayo, marami sa mga botika ang hindi nagbebenta ng generics.

Gayundin, ang isa pang problema na nabatid natin, iba-iba raw ang presyo ng mga gamot. Kaya sa panukalang UHC, itinatakda ang pagkakaroon ng independent body na siyang makikipag-ugnayan sa DOH at PhilHealth para sa pagpa­patupad ng halaga ng gamot upang maiwasan na ang price disparity o ang paiba-ibang presyo ng mga medisina.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.