Search
  • BULGAR

May-ari ng mga sasakyan na walang sariling paradahan, lagot!

MS. KORINA SANCHEZ / ISYUNG 'K'

MAY tumama na rin sa pinakamalaking jackpot sa kasaysayan ng PCSO. Dalawa ang tumama sa higit isang bilyong pisong premyo kaya paghahatian nilang dalawa ito. Mahigit na tig-apat na raang milyong piso ang kanilang premyo. Napakaganda ng kanilang Pasko. Sana, tunay na nangangailangan ang nanalo at hindi pulitiko ang gagamit para sa kampanya sa halalan. Sana rin, hindi ito lustayin sa kung saan-saan at ang pinakaimportante, huwag magtiwala sa mga sistema na “magpapayaman nang mabilis”. Walang ganu’n, dapat ilagay ang pera sa mga ligtas na pamumuhunan tulad ng bangko o sa lupa at siguraduhin na maayos ang lahat ng papeles.

◘◘◘

Siguradong bibili ng bagong sasakyan ang nanalo dahil may pera na sila, kaugnay nito, pinag-aaralan na ng Senate Trade, Commerce and Entrepreneurship Committee sa pamama­gitan ng technical working group ang panukalang Proof-of-Parking Space Act under Senate Bill No. 201.

Sa madaling salita, kung papasa ang panukala, kailangang maipakita na may mapaparadahan ang bibilhing sasakyan sa pamamagitan ng mga dokumento. Ito ay para turuan na maging responsable ang Pilipino. Totoo na kung daraan tayo sa mga maliliit na kalsada makikita natin ang napakara­ming mga abalang sasakyan at ito ang nais maiwasan. Sa panu­kalang ito, sigurado ang tatamaan ay ang mga hindi makapagpapakita ng sariling paradahan.

Maraming bumibili ng sasakyan kahit walang maparadahan. Mara­hil, dahil ang sasakyan ay puwedeng maipagmayabang agad kaya ito ang unang binibili. Baka panahon na para may maipakita munang ma­pag­la­lagyan ng sasakyan bago bumili.

◘◘◘

IBA rin ang politika kahit mag­kapatid ay nagbabatuhan ng putik. Sa Makati, isang magkapatid ang maghaharapan para sa pagiging alkalde ng siyudad. Ayon kay Mayor Abby Binay, dapat harapin at tapusin na muna ng kanyang kapatid na si Junjun Binay ang mga kaso ng korupsiyon laban sa kanya na maaaring maging dahilan ng kanyang panghabambuhay na diskuwalipikasyon sa paninilbihan sa gobyerno. Ayon sa alkalde, may basbas na siya ng kanyang ama. Gayunman, sumagot si Jujun Binay na desperado na ang kanyang kapatid para sabihin ito at kung sakaling matuloy na silang dalawa ang magkatugma, Binay vs. Campos daw ang labanan dahil siya ang nagdadala ng “Binay brand”. Dagdag pa ni Junjun, dapat bumalik na lang si Abby sa Kongreso. Ayon sa Comelec, kung may dalawang kandidato ang isang partido para sa isang posisyon, magiging independent sila. Sino kaya ang kakampihan at papanigang anak ni dating VP Jejomar Binay?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.