Malaking pagbabago sa pagbubukas ng Boracay Island, kaabang-abang!
- BULGAR

- Oct 16, 2018
- 2 min read
SA ika-26 ng Oktubre ay nakaambang ang muling pagbubukas ng Boracay Island sa mga turista at tiyak na marami na ang may planong bumalik doon upang makapagbakasyon.
Totoong malaki ang problema nito noon dahil sumobra sa kapasidad nito ang tinatanggap nitong atensiyon mula sa mga turista. At hindi ito nakapagtataka dahil sa angkin nitong ganda.
Sana, sa panunumbalik ng sigla ng turismo sa isla ay gawing misyon ng establisimyento na tumatamasa sa dala nitong benefits ang pagpapaalala sa mga bisita nila sa mga dapat at hindi dapat gawin dito bilang tulong na rin nila sa industriyang bumubuhay sa kanilang mga negosyo.
Sana, maging instrumento ang mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng Local Government Units (LGUs) sa isla ng positibong pagbabago rito.
We are talking about the frontline staff of every hotel, restaurant, bar, ferries, transport service at maging ang divers na umaalalay sa ating mga bisita sa araw-araw na kanilang paglalagi sa isla. Sila mismo ang makapagpapaalala sa mga turista sa mga bawal gawin sa Boracay Island.
Sa mga negosyong ito na rin dapat magsimula ang pagiging “green” ng isla sa pamamagitan ng pagwaksi sa plastic items na pangunahing nakasisira sa ating kalikasan tulad ng plastic straws, bags at styrofoam na dapat nang ipagbawal.
Baka puwede ring i-explore na kasabay ng access cards or bracelets na ibibigay sa mga papasok na turista ay magkaroon na rin sila ng briefing complemented by posters, AVPs and other information materials similar to the ‘Magic Eyes’ campaign in Thailand. Ang nasabing campaign na ito ay nagsulong sa pagpapaalala sa mga turista na huwag magkalat sa kanilang paligid, damputin ang mga basurang hindi na-dispose nang maayos at imulat ang kanilang mga mata sa epekto ng pagpapabaya sa kalikasan.
Sana, sa muling pagtanggap ng Boracay Island sa mga bisita ay pangalagaan na siya ng mga ito. And all that we ask from them in return to be mindful of their surroundings and to respect the environment is a small price to pay for island’s wellbeing, hindi ba?





Comments