- BULGAR
Iba’t ibang gimik sa FB, Twitter at IG, makapambola lang ng mga botante | Pangangampanya sa social m
RYAN B. SISON / BOSES
HINDI na masyadong uso ang dating nakaugaliang pangangampanya kung saan pahirapan kung magpakilala sa mga ka-barangay para ikaw ang iboto nila.
Sa ngayon kasi, bidang-bida na ang social media dahil sa makabagong teknolohiya kaya kahit ang pangangampanya, rito na idinaraan dahil epektibo talaga.
Kaya lang kung minsan, may hindi magandang epekto ang paggamit ng social media na maaari rin nating ikonsidera, lalo na sa seryosong usapin tulad ng eleksiyon at kampanya.
Gayunman, ayon sa Commission on Elections (Comelec), hindi kasama ang social media sa mga ipagbabawal nila sa pangangampanya ng mga kandidato para sa May 2019 elections kung saan ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, bilang instrumento ng paglalahad ng personal na saloobin ang social media, ito pa rin ay protektado ng Konstitusyon.
Pero, kung hindi man ito maipagbabawal, hiling natin na sana ay magsagawa na lang ng guidelines upang malimitahan din ang pagpo-post ng bawat partidong mangangampanya lalo na ‘yung mga binabayarang tao para lamang makapanira ng iba, dapat mahuli rin sila!
Samantala, kung gagastos man sa mga bagay na ipino-post sa social media, dapat lang na isama ito sa isusumiteng Statement of Contribution and Expenditure o SOCE ng mga kandidato pagkatapos ng halalan.
At bilang mamamayan, maging matalino tayo sa pagpili ng mga kandidatong ating ikakampanya at iboboto, piliin ‘yung alam nating may magagawa sa Senado!
Huwag din tayong maging abusado, kung ano lang ang dapat i-post, ‘yun ang gawin nang sa gayun ay magkaroon tayo ng matalino at patas na pagboto.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.