Search
  • BULGAR

Pagkilala sa bagong santo na si Obispo Oscar Romero

FR. ROBERT P. REYES / KAPAAYAPAAN

NOONG ika-24 ng Marso 1980, habang ginugunita ang pinakabanal na bahagi ng misa, ang pagtaas ng kalis, ang kopa ng dugo ng Panginoong HesuKristo, binaril at tinamaan sa puso si Obispo Oscar Romero ng San Salvador, binaril ang Obispo pagkatapos ng tuluy-tuloy na pagbatikos at pagkondena nito sa karahasan at kalupitan ng pangulo ng El Salvador.

Sa simula, hindi niya pinagkakatiwalaan ang pananaw ng mga hustisya. Isa siya sa sumang-ayong tanggalin ang mga Heswita sa pamamahala at pagtuturo sa Seminaryo Major ng San Salvador subalit, unti-unti siyang nagbago, salamat sa Heswitang pari na si Padre Rutillo Grande.

Madalas na isinasama ni Padre Rutillo si Romero sa mga tirahan ng maralitang tagalungsod at dito unti-unting nabuksan ang mga mata ni Romero subalit, matapos nito ay nag-iba na si Romero, sa kanyang pananalita at pakikitungo sa lahat.

Noong ika-20 ng Marso 1977, nagpasyang kanselahin ni Romero ang lahat ng misa sa kanyang diosesis maliban sa misa na siya ang magdiriwang kung saan paraan niya ito upang makinig ang lahat sa iisang tinig, magkaisa at maging matatag sa pakikipaglaban sa katiwalian at karahasan.

Subalit, hindi siya sinuportahan ng ibang Obispo ng El Salvador, gayundin ang nuncio na tinawag si Romero na iresponsable at imprudent, gayunman umigting ang pananam­palataya at paninindigan ni Romero kay Kristong tagapagligtas (Christ the Liberator).

Hindi nag-atubiling kilalanin ni Papa Francisco ang kakaibang kadakilaan at kabanalan ni Romero sa pamamagitan ng katapangan at paninindigan nitong ipahayag ang Ebanghelyo ng katotohanan, katarungan, kalayaan at kaligtasan kaya kung kakayanin at kung ito ang panawagan ng Diyos, kailangan natin silang tularan.

Kahapon, sa ganap na ika-3 ng hapon nagtipon ang iba’t ibang grupo sa harap ng main EDSA Gate ng Camp Crame upang manalangin at bandang alas-4 ng hapon, nagprusisyon ang grupo patungong People Power Monument para sa misang parangal kay Santo Obispo Oscar Romero. At nagtapos ang lahat sa pagsindi ng kandila bilang sagisag ng buhay, matapang at naninindigang pananampalataya tulad ni Santo Obispo Oscar Romero.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.