NIGERIAN AKHUETIE, UNA SA MVP RACE PARA SA MAROONS


MATAPOS ang unang round ng UAAP Season 81 Men’s Basketball Tou-rnament, nangingibabaw para sa Most Valuable Player race ang Nigerian student-athlete at transferee center ng University of the Philippines na si Bright Akhuetie.
Base sa inilabas na statistics, nakapagtala ang dating 2-time NCAA Seniors Basketball Mythical Team member ng 77.0 statistical points (SPs) pagkaraan ng pitong laro kung saan siya nagtala ng kabuuang 110 puntos, 110 rebounds, 25 assists, 6 steals, at 5 blocks.
Sumusunod naman sa kanya ang ace gunner ng University of the East na si Alvin Pasaol na may natipong 71.57 SPs.
Sa pagtatapos ng first round, si Pasaol ang itinanghal na league’s leading scorer sa itinala nitong average na 23.71 puntos.
Pumapangatlo sa kanila si Ateneo big man rookie Angelo Kouame na may 68.43 SPs, mula sa kanyang average na 12.0 puntos, 12.43 rebounds, at 3.86 blocks per game.
Kabilang sa pumasok sa top 5 sina La Salle big man Justine Baltazar (64.57) at UP guard Juan Gomez de Liano (60.57).
Sa laban naman para sa Rookie of the Year, namumuno si CJ Cansino ng University of Santo Tomas na may 57.43 SPs habang malayong nakasunod sa kanya si Dave Ildefonso ng National University na may 48.86 SPs. (VA)





Comments