Nakasaad sa Konstitusyon, ang dapat sundin, period!

INUTOS na ni Pangulong Rodrigo Duterte na liberalisahin ang pag-angkat ng bigas.
Sa madaling salita, wala nang balakid sa pagpasok ng bigas para makatulong sa pagbaba ng presyo nito at pati na rin ang pagbaba ng inflation na umaabot na sa pinakamataas na lebel nitong mga nakaraang taon.
Sa utos na ito, wala nang kontrol ang National Food Authority (NFA) sa pagpasok ng suplay ng bigas.
Maaaring hindi ito sang-ayunan ng mga lokal na magsasaka, pero sa ngayon, ito ang kinakailangang gawin.
Parang natatandaan natin na ito ang ipinayo noon sa pangulo, pero sinabihan nitong tumahimik ang nagpayo, pero gagawin din pala.
Sana, huwag palaging ganyan kung ang hangarin nila ay makatutulong sa marami, dapat silang mapakinggan.
Malaking problema ang kinahaharap ng bansa kaya sa lahat ay gustong tumulong, huwag sana silang mapolitika.
◘◘◘
Sa dami ng batikos na tinanggap ng Kongreso sa pagtanggal sa bise-presidente bilang kapalit ng pangulo kapag natuloy ang pagpalit sa uri ng gobyerno sa Pederalismo, binawi ang kanilang isinumiteng mungkahi sa pagpalit ng Konstitusyon.
Napapailing tayo sa mga ginagawang ito para matanggal sa eksena ang bise-presidente. Ano ang naisip nila para gawin ‘yun?
Dapat sundin ang nakasaad sa Konstitusyon. Dahil hindi kapartido, may ganitong pagkilos na agad?
Mismo ang Senate President na siyang gustong kapalit sa pangulo ay tutol sa nasabing mungkahi ng Kongreso.
Marami ang naniniwala na ang nilalaman ng mungkahi ng pagpalit ng Konstitusyon ay para ibalik si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa puwesto, gayundin ang mga kasangga nito.
Ayaw daw nila ng anti-dynasty, gayundin ang term limits at wala na munang eleksiyon.
Mabuti at natauhan na sila, mayroon pa ring boses ang taumbayan.
Sana, kung ano ang nakasaad sa Konstitusyon, ‘yun ang dapat gawin at sundin.
Hindi ang kanilang lantarang pagsisilbi sa sariling mga hangarin.





Comments