Search
  • BULGAR

Kaalaman tungkol sa pag-compute ng SSS maternity benefits

ATTY. ART AMANSEC / BUTI NA LANG MAY SSS

Dear Atty. Art,

Ako ay pitong buwang buntis at nagtatrabaho sa consulting firm. Nais kong malaman kung paano kino-compute ang maternity benefit?—Sarah Misa ng Pasig City

Sagot

Ang benepisyo sa panganganak ay ibinabayad sa babaeng miyembro na nanganak o nakunan. Kinakailangan na nakapaghulog ang miyembro ng hindi bababa sa tatlong buwang kontribusyon sa loob ng 12-buwan bago ang semestre ng pagbubuntis o pagkalaglag ng ipinagbubuntis, gayundin dapat naabisuhan ang employer tungkol sa pagbubuntis o ang SSS kung siya ay self-employed o voluntary member.

Para sa inyong kaalaman, maaaring makatanggap ng benepisyo sa panganganak na katumbas ng 100 porsiyento ng Average Daily Salary Credit (ADSC) para sa 60 days kung normal delivery o pagkakunan o 78 days kung caesarean delivery.

Narito ang paraan ng pagkukuwenta sa benepisyo sa panganganak. Una, alamin ang semestre ng panganganak o pagkakunan. Ang isang semestre ay ang dalawang magkasunod na quarters na nagtatapos sa quarter ng panganganak o pagkakunan. Ang isang quarter ay tatlong magkakasunod na buwan na nagtatapos sa buwan ng Marso, Hunyo, Setyembre o Disyembre.

Ikalawa, alamin ang huling labindalawang (12) buwan bago ang semestre ng panganganak o pagkakunan. Ikatlo, alamin ang anim (6) na pinakamataas na monthly salary credit sa loob ng nasabing labindalawang (12) buwan. Ang monthly salary credit ang batayan ng pasuweldo ng kontribusyon at mga benepisyo na kaugnay sa kabuuang kita ng miyembro sa isang buwan. Panghuli, sumahin ang anim na pinakamataas na salary credit upang makuha ang total Monthly Salary Credit (MSC). Hatiin ang total MSC ng 180 araw upang makuha ang ADSC. Ito ay katumbas ng daily maternity allowance.

Halimbawa, nanganak kayo noong Hunyo 2018. Ang semestre ng inyong panganganak ay mula Enero hanggang Hunyo 2018. Ang huling labindalawang (12) buwan bago ang semestre ng panganganak ay mula Enero 2017 hanggang Disyembre 2017.

Ipagpalagay natin na ang anim na pinakamataas na monthly salary credit ay P16,000 bawat isa. Samakatwid, ang kabuuang monthly salary credit ay P96, 000 (P16, 000 x 6). Ang daily maternity allowance ay P533.33 kada araw (P96, 000/180).

Ang matatanggap mong benepisyo sa panganganak kung normal delivery ay P32, 000 at P41, 600 kung caesarean delivery.

Nawa’y nasagot namin ang iyong katanungan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.