20 patay sa leptos sa Bulacan

ni Mervin Reyes @News | September 16, 2026

Photo: File
Umabot na sa 20 katao ang nasawi dahil sa leptospirosis sa Bulacan, kasabay ng patuloy na pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan dulot ng malalakas na pag-ulan mula sa mga nagdaang bagyo at habagat.
Ayon kay Patricia Ann Alvaro-Castro, health education and promotion officer II ng Provincial Health Office (PHO), umakyat na sa 394 ang suspected leptospirosis cases at 20 ang leptospirosis-related deaths hanggang Setyembre 5.
Pawang mga lalaki ang mga nasawi at nagmula sa Hagonoy, Malolos, Bocaue at Marilao.
Batay sa PHO-Public Health records, higit na doble ang suspected cases ngayong taon kumpara sa 158 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Kapansin-pansin ang pagtaas ng kaso matapos ang Agosto 15, kasunod ng mga pag-ulan at pagbaha.
Ang leptospirosis ay impeksyong maaaring makuha sa ihi ng daga, partikular kapag nalusong sa kontaminadong baha.
Samantala, iniutos ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang pagpapatupad ng mahigpit na mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng sakit at hindi na lumala ang sitwasyon.





Comments