ni Twincle Esquierdo | December 13, 2020
Inaresto ng Manila Police District Station 3 ang 20 katao na pumunta sa isang reception ng binyag sa Manila North Cemetery nitong Sabado ng gabi. Nilabag ng mga suspek ang health protocol na ipinatupad ng Department of Health (DOH) laban sa Covid-19.
Nagulat na lamang ang mga bisita nang biglang dumating ang mga pulis kung saan ginanap ang nasabing reception. Naglagay din sila ng tent para sa nasabing reception, walang mga suot na face mask at face shield at nagbi-videoke pa habang nag-iinuman.
Dinala sa isang covered court malapit sa Station 3 ng MPD sa Sta. Cruz, Maynila ang mga inaresto at nahaharap sa reklamong paglabag sa health protocols.
Nauna nang nagbabala ang DOH na bawal ang pagbi-videoke dahil mataas ang tsansang makapag-transmit ng virus habang kumakanta dahil iisang mic lang ang ginagamit na pinagpapasa- pasahan.
Comentarios