top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | October 23, 2021



Posible raw na dumami ang mga dadalaw sa mga sementeryo sa Metro Manila. Ito na kasi ang huling weekend bago isara sa publiko ang mga libingan sa Undas.


Sa Manila North at South cemetery, may mangilan-ngilan nang bumibisita upang makaiwas sa dagsa ng tao.


Mahigpit na ipinatutupad ang safety protocols kaya may mga nakatalaga nang pulis sa entrance at pailigid ng sementeryo.


Paalala ng mga awtoridad, nasa Alert Level 3 pa ang Metro Manila kaya ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa sementeryo ng mga bata at senior citizen.

 
 

ni Lolet Abania | October 8, 2021



Ilang lokal na gobyerno sa Metro Manila ang nagdesisyong ipagbawal muna ang pagbisita sa mga yumao nang pamilya sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa panahon ng Undas dahil pa rin ito sa banta ng pandemya ng COVID-19.


Unang naglabas ng memorandum ang Maynila hinggil sa pagsasara ng mga sementeryo sa lugar mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 habang nanawagan ito sa publiko na bumisita na sila ng mas maaga para maiwasan ang pagsisiksikan. Papayagan naman ang mga interment o libing at cremation services sa mga naturang petsa.


Sa ngayon, puspusan na ang paglilinis sa Manila South Cemetery at Manila North Cemetery habang naghahanda na rin ang mga awtoridad sa posibleng pagdagsa ng mga indibidwal na bibisita sa mga puntod ng kanilang yumaong mga mahal sa buhay bago pa ang Todos los Santos.


Gayunman, patuloy ang paalala sa lahat na kailangang sumunod sa mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield habang sa entrance ng mga sementeryo ay nakaabang ang mga alcohol dispenser at pagkakaroon ng temperature scanner.


“Doble na rin po ang security namin... Nagro-roving po lahat ng security natin,” pahayag ni Manila South Cemetery spokesman Raffy Mendez.


Malaking hamon naman para sa pamunuan ng Manila North Cemetery ang pagdagsa ng mga indibidwal bago pa ang Undas, kaya apela nila sa mga dadalaw na dapat na sumunod sa health protocols.


“Sa mga dumadalaw huwag naman sana makulit kasi talagang hirap na rin kami sa gate... Sa mga hindi susunod talagang wala kami magagawa kung hindi talaga hindi kayo papasukin sa gate,” paliwanag ng OIC ng security force na si Elmer Quintos.


Kasunod nito, naglabas na rin ng kautusan ang lokal na pamahalaan ng Malabon na isasara ang lahat ng sementeryo sa lugar mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.


 
 

ni Twincle Esquierdo | December 13, 2020




Inaresto ng Manila Police District Station 3 ang 20 katao na pumunta sa isang reception ng binyag sa Manila North Cemetery nitong Sabado ng gabi. Nilabag ng mga suspek ang health protocol na ipinatupad ng Department of Health (DOH) laban sa Covid-19.


Nagulat na lamang ang mga bisita nang biglang dumating ang mga pulis kung saan ginanap ang nasabing reception. Naglagay din sila ng tent para sa nasabing reception, walang mga suot na face mask at face shield at nagbi-videoke pa habang nag-iinuman.


Dinala sa isang covered court malapit sa Station 3 ng MPD sa Sta. Cruz, Maynila ang mga inaresto at nahaharap sa reklamong paglabag sa health protocols.


Nauna nang nagbabala ang DOH na bawal ang pagbi-videoke dahil mataas ang tsansang makapag-transmit ng virus habang kumakanta dahil iisang mic lang ang ginagamit na pinagpapasa- pasahan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page