top of page
Search
  • BULGAR

20.6 milyong doses ng COVID-19 vaccines, nasayang lang

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 18, 2022


Dumami pa ang hindi nagamit at nasayang na COVID-19 vaccines.


Ito ang ating napag-alaman sa isang pagdinig na isinagawa ng Senado nitong linggo.


Ayon sa Department of Health (DOH), ilan sa mga dahilan kung bakit mahigit 20.6 milyong doses ng bakuna ang hindi nagamit ay either nag-expire, nabuksan at hindi nagamit dahil sa operations-related issues, dahil sa temperature-control issues o dahil sa mga natural disasters noong 2021.


Sa mga nag-expire na bakuna, 6% nito ay donasyon, samantalang 22% ay mga bakunang binili ng local government units at 40% naman ay binili ng pribadong sektor.


Bagama’t mababa pa sa standard rate na 10% o mas mababa na itinakda ng World Health Organization (WHO) ang 8.42% na naitalang vaccine wastage rate ng bansa, nakapanghihiyang pa rin ang dami ng bakunang hindi nagamit.


☻☻☻


Sa isang perfect scenario, 20 milyon pa sana nating mga kababayan ang naturukan ng COVID-19 vaccines — 20 milyong Pinoy sanang may dagdag-proteksyon at pananggalang sa malubhang pagkakasakit na dulot ng COVID-19.

Ngunit hindi na ito maibabalik.


Bagama't papalitan ng COVAX facility ang mga nasayang na bakuna, magsilbi sanang aral ito sa ating mga kinauukulan, dahil hindi lamang Pilipinas ang nangangailangan ng COVID-19 vaccines.


Imbes na makatulong sa iba pa nating kapwa tao sa ibang bansa ay magpapadala pa sa atin ng karagdagang bakuna upang palitan ang mga nasayang.


☻☻☻


Moving forward at base na rin sa dami ng nasayang na bakuna, nawa’y paigtingin pa ng DOH at iba pang awtoridad ang koordinasyon at pakikipagtulungan sa pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan upang magamit ng wasto ang mga bakuna.


Dapat ding paigtingin ng DOH, sa tulong ng mga regional, provincial at city/municipal health offices, ang monitoring ng mga bakuna. Ilan pa ba sa mga LGU natin ang wala o hindi magamit na cold storage facilities? O kaya naman ay walang backup electrical generators?


Pagtulungan din natin ang pagpapalakas ng vaccination at booster drive ng pamahalaan upang magamit ng husto ang mga bakuna.


In the end, isipin na lang natin na there are so many ways na ang bawat nasayang na bakuna would hurt us: on our pockets, and the lost opportunity to protect someone you love.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page