2 posibleng ginto, humulagpos sa wrestling team sa Asian Games
- BULGAR

- 23 hours ago
- 2 min read
by Gerard Arce @Sports News | September 7, 2026

Photo: Nakakuha si Ramos ng pahintulot mula sa UWW upang ilipat ang kanyang sports nationality sa Pilipinas at itinuturing na isa sa mga pangunahing kandidato.
Dalawang gintong medalya agad ang nasayang para sa Philippine national wrestling team matapos hindi umabot sa takdang panahon ang pagpasok ni Filipino-American Alexander “Matt” Ramos dulot ng kakulangan sa eligibility sa naturalization, gayundin ang sinapit na injury ni 33rd Southeast Asian Games gold medalist Gabrielle Thomas Dinette para sa 20th Aichi-Nagoya Asian Games sa Japan.
Malaking panghihinayang ang naramdaman ni Wrestling Association of the Philippines Inc. President Alvin Aguilar sa kinahantungan ng pagtulak sa naturalization ni Ramos na kinakailangan pang maghintay hanggang Disyembre bago pormal na tanggapin ng United World Wrestling ang pagiging Filipino citizen nito.
Nasundan pa ito ng malaking dagok ng magtamo ng hindi inanunsyong injury si National double gold medalist na si Dinette, kasunod ng pagbalibag ng nag-iisang ginto ng Pinas sa Bangkok Games noong Disyembre 2025 sa men’s 86kgs freestyle at aktibong kinatawan ng bansa sa pandaigdigang torneo.
“Two golds na sana,” pahayag ni Aguilar sa mensahe sa Bulgar Sports para sa darating na wrestling event na gaganapin sa Nagoya City Inae Sports Center.
“He’s (Ramos) not yet eligible. Every December lang kase ang changes of nationality ng UWW, then injured pa si Dinette,” dagdag ni Aguilar, na tumatayo ring Deputy Chef de Mission ng Pilipinas sa Asian Games.
Pormal ng naipasa ang House Bill numbers 6639 at 6644 ng Senado mula sa ikatlong pagbasa, sa pagtutulak ni Senate Committee on Sports Chairperson Sen. Christopher “Bong” Go, kasabay ang basketball standout na si Bennie Boatwright, para bigyan ng Filipino Citizenship ang dalawang atleta. Isang dating kampeon sa U17 World at finalist sa NCAA Division I mula sa Purdue University si Ramos at nagwagi sa Luzon Wrestling Championships.
Nakakuha si Ramos ng pahintulot mula sa UWW upang ilipat ang kanyang sports nationality sa Pilipinas at itinuturing na isa sa mga pangunahing kandidato para sa medalya sa international competitions, higit na sa 2028 Los Angeles Olympics.
Nakatakdang sandalan ng national team si 2019 SEA Games champion at multi-medalist Jason Baucas para sa men’s Greco-Roman, habang makakasama niya sina Joe Fer Collado at Filipino-British Callum Johnston Roberts sa parehong event, at freestyle wrestler Edmund Gaso.
Ilalaban rin para sa pambansang koponan ang mga women’s freestyle wrestlers na kinabibilangan ng mga SEA Games medalist na sina Rea Cervantes, Aliah Rose Gavalez at Filipino-American Arian Carpio.





Comments